Showbiz News

CONFIRMED: Xian Lim, gagawa ng serye sa GMA kasama si Jennylyn Mercado

By Jansen Ramos

Unti-unti nang nagiging open si Jennylyn Mercado tungkol sa kanyang proyektong pagsasamahan nila ng aktor na si Xian Liam.

Matapos kumpirmahing gagawa sila ng isang proyekto noong Linggo, August 15, ibinahagi ng Ultimate Star kinabukasan na nag-story conference na sila para sa nasabing proyekto--isang teleserye--na mapapanood sa GMA.

Sa kanyang latest Instagram post, ishinare ni Jennylyn ang isang screenshot mula sa kanilang virtual story conference kung saan dinaluhan ng GMA Entertainment Group program manager na si Ayalexi Dedicatoria, executive producer na si Joy Lumboy-Pili, at ilang miyembro ng creative team.

Makakasama nina Jennylyn at Xian sa upcoming series sina Gardo Versoza, Mike Tan, Kim Domingo, Samantha Lopez, Valerie Concepcion, at Victor Anastacio.

Ang proyekto ay may working title na Love. Die. Repeat na sasailalim sa direksyon ni Irene Villamor, ang direktor ng 2016 blockbuster hugot movie na Camp Sawi.

Ito ang pangalawang beses na makakatrabaho ni Jennylyn si Direk Irene matapos ang 2019 GMA comedy-drama series na Love You Two na pinagbidahan ng aktres kasama si Gabby Concepcion.

Samantala, ipinahayag naman ni Xian ang kanyang excitement para sa kanyang first major GMA project sa pamamagitan ng pag-post ng group screenshot mula sa virtual story conference ng Love. Die. Repeat sa kanyang Instagram story kagabi. Nilagyan niya ito ng salitang "Soon!," kalakip ng heart emoji.

Sinundan niya ito ng isa pang story kung saan ipinakita niya nang pahapyaw ang kanilang script para sa Kapuso series.

Huling napanood si Xian sa GMA noong July 7 nang naging parte ng isang TV special ng isang e-commerce platform.

Noong baguhan pa lang siya sa showbiz ay nagkaroon siya ng guest appearances sa drama anthology na Maynila, isang blocktimer na ipinalalabas sa GMA.