Showbiz News

Kris Bernal, lalong gumanda ayon kay Aljur Abrenica



Parehong excited sina Aljur Abrenica at Kris Bernal sa kanilang pagbabalik tambalan sa pinakabagong primetime offering ng GMA, ang Coffee Prince. Sa isang panayam after the show’s story conference last August 29, masayang sinagot nina Aljur at Kris ang mga tanong ng press tungkol sa kanilang bagong project na pagsasamahan, pati na rin ang mga na-miss nila sa isa’t isa pagkatapos ipareha sa ibang ka-loveteam.

“Andami kong na-miss kay Aljur. Ang pagiging malambing niya, pagiging kengkoy niya. Siya lang nakakagawa sa akin nun eh. Kasi ‘yung mga nakaraan kong leading man hindi naman po masyadong komportable sa akin, pero ito talaga 'yung lolokohin ako, sasabihin 'yung mga flaws ko. Kapag may nakita siyang hindi maganda sa akin, very open siya at sasabihin niya sa akin,” paliwanag ni Kris.

“Kengkoy talaga ako kay Kris. Walang nagho-hold back sa akin, kahit ano nasasabi ko sa kanya, pero may pagmamahal. Siyempre importante siya sa akin kaya ko nasasabi ‘yun. At ‘yung namiss ko kay Kris, siyempre ito 'yung kauna-unahan kong ka-loveteam. Wala ako sa posisyon na ito kung hindi dahil kay Kris. And maliban sa career, ‘yung pagiging thoughtful niya, ‘yung pagiging very sweet,” dagdag pa ni Aljur.

Nang tanungin ng press kung ano ang mga pagbabago na nakita nila sa isa’t isa, ang pagiging mature ng ka-loveteam ang napansin. “Mas naging mature si Kris ngayon, di ba? Ibang-iba na si Kris ngayon. Ang isa pa niyang pinagbago ng malaki, mas lalo siyang gumanda ngayon,” Aljur shares with a smile.

Masaya naman si Kris na makitang nag-mature na ang pag-iisip ng kapareha. “Mas naging malalim siya. Kapag nakakausap ko siya, nakakapag-decide na siya para sa sarili niya.”

Ayon pa kay Kris, kahit parang bata pa rin daw ito sa panlabas ay halatang malaki ang pinagbago ni Aljur. "Napag-uusapan na namin yung malalim sa buhay tulad ng mga desisyon namin, pero parang bata pa rin yung kilos. Pero sa pag-iisip talaga, masasabi kong nag-mature na siya. At siyempre lumaki ang abs niya, dumami lalo!” patawang sagot ni Kris.

Gaano na nga ba kalalim ang pinagsamahan nila at ganito na lang ang excitement nila sa muli nilang pagtatambal?

Para kay Aljur, malaking bahagi ng kanyang pagiging artista ang isang Kris Bernal. “’Yung pinagsamahan namin walang kapantay kung ikukumpara sa iba. Nakataya dito, kumbaga sa pinagsamahan namin, ‘yung kinabukasan. Kung nasaan man ako ngayon, ‘yung pagiging artista, malaking bagay yung Kris Bernal sa buhay ni Aljur,” he explains.

Nang si Kris ang tanungin, dumating na daw sa point ang kanilang pagkakaibigan na nagsasabihan na sila ng problema kahit hindi sila magkatrabaho. “Wala na akong tinatago kay Aljur pagdating sa mga problema ko. Kahit hindi kami magkasama sa soap, sinasabi ko sa kanya yung problema ko, mga hinanakit ko. Ganun na talaga siya kalalim.”

Hindi rin naiwasan ni Kris ang tanong kung may posibilidad bang matuloy ang naudlot na panliligaw sa kanya ni Aljur ngayong madalas na naman silang magkasama. “Siguro posibleng manumbalik dahil ‘yung pinagsamahan namin ni Aljur, malalim talaga. Dati pa kasi magkasama na kami. Puwede namang manumbalik pero depende kay Aljur ‘yun,” sagot niya, sabay tingin sa ka-loveteam.

“Kung dumating man ang punto na ‘yun, na matanong kami tungkol sa mga bagay na ganyan, we’ll make sure naman na magiging honest kami. Kung dumating man dun sa inaasahan ng mga fans na magkaroon ng mas espesyal pa sa nararamdaman namin ngayon sa isa’t isa, sasabihin naman namin ‘yun,” paglilinaw ni Aljur.

Abangan ang pagbabalik tambalan nina Kris Bernal at Aljur Abrenica sa Pinoy version ng hit Korean series na Coffee Prince, this September na sa GMA Telebabad. – Michelle Caligan, GMANetwork.com