Showbiz News

Ken Chan at Rita Daniela, nagluluksa sa pagpanaw ni Mahal

By Jansen Ramos

Ikinalungkot ng Kapuso love team na sina Ken Chan at Rita Daniela ang biglaang pagpanaw ng comedy actress na si Mahal, o Noeme Tesorero sa tunay na buhay.

Nakatrabaho nila ang komedyante sa 2019 GMA primetime series na One of the Baes kung saan gumanap itong Queen Floribeth Higantes, ang kaibigan ni Madel (Ruby Rodriguez) na nag-alaga kay Jowalyn (Rita Daniela) noong ito ay baby pa.

May special participation lang si Mahal sa nasabing serye pero napamahal agad sina Ken at Rita sa diminutive actress.

Isa sa mga kinaaaliwan ni Rita kay Mahal ang cute nitong tawa na ipinost pa niya sa kanyang Instagram story.

Ayon kay Rita, "it was an honor" na nakatrabaho niya si Mahal.

Ipinost pa ni Rita ang larawan nila ni Mahal kasama ang kanyang leading man na si Ken bilang pagbibigay-pugay sa namayapang aktres.

Gaya ni Rita, nagpapasalamat din si Ken sa kanyang "Ate Mahal" sa pagpapasaya nito sa kanila habang nasa set ng One of the Baes kaya mami-miss niya raw ang komedyante.

Pumanaw si Mahal sa edad na 46.

Ang nakalulungkot na balita ay kinumpirma ng kapatid niyang si Irene Tesorero sa isang Facebook post.