Showbiz News

Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento ngayong Linggo na



Ngayong Linggo (Sept 16), saksihan ang pagbabalik ng kinagigiliwang family sitcom sa telebisyon, ang Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento, mapapanood ito tuwing Linggo ng gabi pagkatapos ng Imbestigador.  
     
Sa pilot episode, napanood ni Pepito Manaloto at ng kanyang pamilya’t kasambahay ang TV show na ginawa ng isang network tungkol sa biglang pagyaman ng kanyang pamilya. Ngunit ang napuna ng mga Manaloto ay parang hindi masyadong makatotohanan ang nakita nila kaya hindi napalabas ang TV show. Buti na lang, may solusyon: ang gumawa ng TV show tungkol sa tunay na kuwento ni Pepito Manaloto.

Pero ang katotohanan ba, magandang mapanood ng ibang tao sa TV?

Paano kung malaman ng buong bayan na si Clarissa pala ay nahuling nangongopya sa school? Paano kung mabuking si Chito na dala-dalawa ang girlfriend? Paano kung makitang lasing si Elsa? At paano kung si Pepito ay na-baranggay dahil siya raw ay pasaway na kapitbahay?

Pinagbibidahan ang programa ng Asian TV Best Comedy Actor recipient na si Michael V. bilang Pepito Manaloto. Kasama rin sina Manilyn Reynes bilang Elsa Manaloto, Angel Satsumi bilang Clarissa Manaloto at Jake Vargas bilang Chito Manaloto. Kabilang sa all-star cast ay sina John Feir, Ronnie Henares, Mosang, Janna Dominguez, Arthur Solinap, Jessa Zaragoza at Nova Villa. 

Alamin kung paano maaayos ang gulo sa Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento ngayong Linggo sa GMA 7.