Showbiz News

Baron Geisler, maraming pinagsisisihan sa buhay; natutong magbago para sa pamilya

By Jimboy Napoles

Isa si Baron Geisler sa rising stars noong taong 2000, nakilala sa iba't ibang karakter na kaniyang ginampanan sa pelikula at telebisyon. Pero kasabay ng kaniyang tagumpay sa karera noon ay ang unti-unti rin niyang pagkasilaw sa kasikatan.

Matapos matanggap sa audition ng Ang TV taong 1995, nagtuluy-tuloy na ang pagpapakilala ni Baron sa telebisyon at pelikula. Mabilis ang kaniyang naging pagsikat kaya naman sa murang edad ay natamasa niya na ang marangyang buhay.

“Okey naman yung pamilya namin pero at the age of 16 nakabili na ako ng sariling sasakyan galing sa sarili kong pera.. at the age of 21 naman meron na akong multi-million mansion, yung kwarto ko may sariling bathtub, meron akong apat na kotse, so age 21, nakakalaki naman talaga ng ulo na you have everything, so you feel like the king.” paglalahad ni Baron sa panayam sa kaniya ng Stories of Hope.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

Pero sa kabila ng magandang buhay na kaniyang natatamasa ay natuto siyang magrebelde sa kaniyang mga magulang hanggang sa tuluyan na rin niyang pinasok ang pagbibisyo.

“Yung mga magulang ko napaka-strict. Mahilig mamalo si Mommy, so 'nung time na 'yun I just wanted to get out of the house. And then may time 'nung high school, hindi ako pumasok ng 2 months kasi may rebellious behavior din ako or character.

"Nagbilyar ako, sinamahan ko yung mga bad crowd, hanggang sa napasok ako sa frat, nagsimula na akong uminom, yun na. Nagsimula 'yan with bad company.” dagdag pa ng aktor.

Minsan ding naging malupit si Baron sa kaniyang mga nakakasalamuha, maging sa mga taong malapit sa kaniya na naging dahilan kung bakit madalas siyang narereklamo noon at nasasangkot sa mga kontrobersiya.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

“Ginagawa ko pa 'nun sa driver ko kapag nagkamali sinusuntok ko rin at saka dinuduraan ko sa mukha. Feeling ko, ako na. Parang ako yung Diyos. Parang ganun.” aniya.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

Lubos namang pinagsisihan ni Baron ang lahat ng kaniyang maling nagawa at humingi ng patawad sa lahat ng mga taong kaniyang naagrabyado.

“Pero hanggang ngayon pala naiisip ko yung pagmamaltrato ko sa mga kasambahay namin lalo na sa mga driver at boy namin. Sana mapatawad nila ako.

“Hanggang ngayon pinagsisisihan ko yung mga opportunities na na-waste,” madamdaming sinabi ng aktor.

Aminado naman si Baron na walang ibang responsable sa mga masasamang nangyari sa kaniya kundi ang kaniyang sarili pero may malalim na ugat pala ang lahat ng ito.

“Pero may pinanggagalingan yung self-destruction na yan kasi may void sa puso ko eh, may pagkukulang so kino-compensate ko sa mga bagay-bagay either be pambababae, it could be alcohol, drug material thing.

"Nawalan ako ng Diyos, wala akong guidance, wala akong wisdom from the Holy Scripture, wala akong fellowship kasi, bro wala akong kaibigan, dahil feeling ko noon ako yung pinakamagaling,” kuwento ng aktor.

Higit daw na nakatulong kay Baron ang kaniyang ika-pitong pagpasok sa rehabilitation center. Dito raw niya mas nakilala ang sarili at natutong harapin ang mga pagkakamaling kaniyang nagawa.

“Kahit na gaano ako karumi sa paningin ng tao o kahit sa sarili ko, there will always be that loving and kind God who will embrace me and forgive me as long as I turn back from my sin, meaning to say If I really repent.”

Isa rin sa naging malaking instrumento sa pagbabago ni Baron ay ang kaniyang pinakamamahal na asawa na si Jamie Evangelista.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

“Ako naman talagang halos ma-obsess ako sa kaniya kasi meron siyang parang maternal instinct na at that time I needed kasi kakamatay lang ng nanay ko. Siguro yun yung pinadala ni God sa akin.”

Ngayon ay biniyayaan sila ni Jamie ng isang munting anak na pinangalanan nilang si Baby Talitha Cumi na ang ibig sabhin ay 'little girl arise'. Si Baby Tali raw ang nagsisilbing liwanag sa kanilang pamilya at isa sa inspirasyon ni Baron sa kaniyang tuluy-tuloy na pagbabago.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

Sa ngayon ay nakatuon si Baron sa pag-aalaga sa kaniyang asawa at mga anak. Inayos na rin niya ang kaniyang relasyon sa kaniyang mga kapatid at kaibigan.

Source: Screenshot from YouTube : Stories of Hope

“Mahirap ding gumawa ng paraan para magbago kasi ang dami nating excuses eh… Pero it takes a real man or a woman to face your problem head on.”

Isa ang kuwentong ito ng aktor na si Baron Geisler sa magpapaalala sa atin na kaya nating bumangon mula sa anumang pagkakamali na ating nagawa basta't tayo ay may pagsisisi, tiwala sa sarili, at matatag na pananalig sa Panginoon.