Showbiz News

Dolphy Alay Tawa musical tribute, napuno ng ligaya!



Muling nagsama ang mga bigating networks sa bansa upang magbigay-pugay sa nag-iisang Comedy King na si Dolphy sa pamamagitan ng isang musical tribute na pinamagatang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy ,  na ginanap noong Setyembre 19 sa SM Mall Of Asia Arena, Pasay City.


Naging star-studded ang pagdiriwang dahil dinaluhan ito ng mg friends, relatives at ilang mga nakatrabaho ni Dolphy sa 60 years nito sa showbiz industry. Nagsayawan , nag-awitan at nagtawanan ang lahat sa selebrasyon ng pag-alala sa mga naging kontribusyon ng Hari ng Komedya.

Ipinakita rin ang ilang video clips ng mga pinaka nakakatawa nitong jokes at silent movies. Bawat network ay naghanda ng kanilang sari-sariling production numbers at mayroong kanya-kanyang mga pakulo.

Sa pagsisimula ng pagdiriwang, ibinahagi ng GMA-7 news anchor na si Rhea Santos kung bakit sa MOA Arena napili ng pamilyang Quizon magdaos ng tribute para kay Mang Dolphy. Ayon dito, dati kasing dagat ang kinatatayuan ng arena at doon mismo natutong lumangoy si Dolphy noong kabataan pa nito.

Sa bawat kalagitnaan ng show ay mayroong mensahe ang mga media executives ng bawat istasyon at kabilang dito si Atty. Felipe Gozon. Ayon  kay Gozon, hindi pag-aari ng kahit sinong istasyon ang Comedy King dahil pag-aari ito ng lahat ng mga Pilipino.

Ilan sa mga dumalo sa pagdiriwang ay ang  Senior Vice-President for Entertainment ng GMA Network na si Lilibeth Rasonable at ang matalik na kaibigan  ni Dolphy na si German “Kuya Germs” Moreno.

Bukod dito, nandoon din sina Alma Moreno at ang mga nakatrabaho ni Dolphy na sina Maricel Soriano at Nora Aunor na nag-speech  tungkol sa mga namimiss nila sa Comedy King.

For a cause

Sa pagsisimula ng pagdiriwang, tinawag ang mga representatives ng Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation na sina Sahlee at Eric Quizon. Ayon sa magkapatid, mapupunta ang kinita ng naturang tribute sa mga beneficiaries nito na Eye Bank Foundation of the Philippines, Friends of Hope at Philippine Red Cross. 

Namahagi rin ito ng certificates sa iba pang mga beneficiaries na sinabayan ng pag-awit nina Janno Gibbs, Ogie Alcasid at iba pang mga stars.

Isang gabi ng tawanan at pag-alala

Ang magkapatid na sina Raymond at Ruffa Gutierrez naman ang nag-introduce ng kilalang “invisible dog” joke ni Dolphy sa pamamagitan ng isang recorded clip with the funny duo Wally Bayola and Jose Manalo.

Pagkatapos nito’y isa namang funny video clip mula sa Bubble Gang ang ipinakita sa screen kung saan nakipagpick-upan ang Comedy King laban kay Boy Pick-Up as Big Boy Puruntong

Dahil nakilala rin si Mang Dolphy sa mga funny gay roles, gumawa sina Michael V, Keempee de Leon at iba pang mga stars ng isang song and dance number.

Nakipagsayawan rin ang mga Kapuso hunks na sina Aljur Abrenica at Daniel Matsunaga sa mga funny comedian na naka-drag queen costume.

Sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo naman ang nag-introduce kina Epy Quizon at Vandolph, as they posed as Dolphy and Panchito sa  kanilang presentation na “translation department.”

Ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera at  actor  na si Dennis Trillo naman ang nag-introduce sa “Swan Lake” dance number na sinayaw ni Ruby Rodriguez as the black swan at iba pang mga komedyante at stars.

Very touching din ang mga naging mensahe at pag-alala ng mga veteran stars sa nag-iisang Hari ng Komedya. Kabilang sina Susan Roces, Eddie Garcia, German Moreno, Rosa Rosal, Nova Villa at Eddie Gutierrez sa nag-share ng kanilang fondest memories tungkol kay Dolphy.

Kabilang ang number nina Mark Herras at Gab Valenciano sa pinalakpakan ng mga audience dahil sa mga complicated tap dance steps na kanilang ginawa bilang pag-alala kay Dolphy at sa dance partner nitong si Bayani Casimiro.

Isa sa mga highlights ng naturang pagdiriwang ay ang song number nina Zia Quizon at Dolphy na siyang nagdulot ng lungkot sa mga audience dahil sa naging very touching ang engineered duet nito.

Isang lively number naman ng boogie and mambo ang ginawa ng mga artista na sina Pauleen Luna, Winwyn Marquez, Rocco Nacino , Enzo Pineda at iba pang mga artists.
Pagkatapos nito’y maraming nagulat matapos ipakita ang isang video clip ng ‘Prince of Comedy’ na si Vic Sotto na malungkot na inawit ang “Send in the Clowns.”
Para sa finale ng pagdiriwang, umawit ng “We Are Family” ang mga magkakapatid na sina Epy, Vandolph, Eric, Ronnie, Zia, Sahlee at Manny. Pagkatapos nito’y umakyat din sina Zsa Zsa Padilla at ang anak nitong si Karylle sa stage at sabay-sabay na kinanta ng lahat “What AWonderful World.”

Panoorin ang special airing ng GMA Network sa Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy ngayong September 30 sa GMA Sunday Grande! -- Paula Panganiban, GMANetwork.com