Showbiz News

K Brosas experiences panic attacks after contractor allegedly abandoned her dream house project

By Nherz Almo

Hindi napigilan ni K Brosas ang maiyak habang ikinukwento ang nangyari sa ipinapagawa niyang bahay matapos diumano itong iwan ng kanyang contractor.

Sabi ng singer-comedienne, wala na siyang ideya kung nasaan na ang contractor ng dream house sana na ipamamana niya sa kanyang anak. Hindi na rin daw niya ito makontak.

“Hindi ko na po alam kung nasaan na yung contractor ng bahay ko," sabi ni K Brosas nang makausap siya ng ilang entertainment media kamakailan.

Dagdag pa niya, "One year na po akong nakikipag-usap, umiiyak, nakikiusap na sana kung di kayang tapusin baka pwedeng ibalik yung pera. Wala pong nangyari, e. Kaya wala akong choice kundi magdemanda kasi talagang yung stress pong ito, grabe, alam ng mga malalapit kong kaibigan. At saka kapag tinatanong po ako palagi na, 'Kumusta na yung bahay mo?' parang gusto ko na lang umiyak nang umiyak kasi ano ang isasagot ko, di ba? Wala po akong maisagot."

Ayon kay K, umabot na sa PhP7 million ang naibigay niyang bayad para sa ipinapagawang bahay. Subalit halos 35 percent pa lang daw ng orihinal na plano ang nagagawa bago ito iwanan ng kanyang contractor.

"Nitong pumunta ako, talagang nanlumo ako, deteriorating na siya, e, sobra. Yung mga materyales na bayad ko na rin, hindi natupad," paglalarawan ni K.

May panghihinayang pa niyang pahayag, "Nagtiwala lang po talaga ako nang todo, todo-todo, hindi na ako nadala. Oo, hindi na ako nadala kasi alam naman ng mga kaibigan ko, minsan masyado tayong mabait. Pero yun na nga, may hangganan, e, so kailangan talaga legal na pamamaraan."

Kaya naman nitong Biyernes (September 10), pormal na naghain ng reklamo si K Brosas laban sa kanyang contractor.

Sa kabila ng mga hindi magandang nangyari, positibo naman si K na matatapos din ang kanyang dream house.

Sa ngayon, aniya, “Nag-iipon po ulit ako, nakakalungkot, kasi gusto kong tapusin."

Natuto na rin daw siya sa pangyayaring ito, "Pagdating talaga sa pera, alam mo, kailangan talaga tutok tayo--maging kadugo mo man 'yan, kaibigan, hindi mo talaga masasabi. At ang pinakaimportante talaga dito, tayong mga may edad na, dapat kahit papaano may mga investment, may mga savings.

"Napakaimportante rin po talaga na mayroon kang personal lawyer, ngayon ko na-realize 'yon. Kasi ngayon, idinadaan ko sa lawyers ko. Kung makikipag-date man ako, baka idaan ko na sa lawyers ko. Ganun na ako kaano sa kanila, lahat ng kontrata ko idinadaan ko na sa kanila. At saka natutuwa ako sa mga lawyers ko, bagets at saka totoo talaga. At saka narararamdaman ko ang sincerity nila."

Samantala, tingnan ang ilang celebrities na nagpagawa ngayong quarantine: