Showbiz News

Ricky Lee on what makes Korean dramas stand out: 'They're proud to be Koreans'

By Aimee Anoc

Ibinahagi ni award-winning Filipino writer Ricky Lee ang kanyang napapansin kung bakit patuloy na sumisikat ang Korean drama sa buong mundo.

Sa isang exclusive interview sa "The Howie Severino Podcast," ibinahagi ni Ricky na nakikilala ang mga drama dahil sa "Korean-ness" nito.

"There's always a Korean-ness sa lahat ng ginagawa nila. I always know na Korean ang characters na 'to," pagbabahagi ni Ricky.

Ayon kay Ricky, marami naman tayong nagagawang magagandang teleserye tulad ng nagagawa ng K-dramas pero para sa kanya "nag-i-stand out" ito.

"For the Korean food to the damit, to the etcetera, to the expressions, to the beliefs. They're proud to be Koreans and they are Koreans. Hindi sila nag-e-aim na maging ganito ako, maging Americans o maging ganito ako. Hindi. They're all Koreans," paliwanag nito.

Inamin din ni Ricky na kahit siya ay nakanuod ng Korean drama ngayong pandemya, at dahil dito mas nakilala niya pa ang mga Koreano.

"May pride sila sa kanilang bansa at sa kanilang identity na kitang-kita ko," dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ni Ricky na mayroon ding ganoong mga katangian ang teleseryeng Pilipino, pero hindi lahat ay napapanatili ito.

"'Pag may social issues silang sinimulan, tina-tackle nila 'yung issue na 'yun hanggang end," sabi ni Ricky.

"Sa atin kung minsan nagiging tendency nagre-recede sa background 'yung social issue at nagiging background na lang siya nu'ng kuwento, nu'ng love story o nu'ng family drama. Sa kanila, hindi. It's integrated du'n sa kuwento 'yung social issue mismo. At pinaninindigan nila 'yun... Hindi siya natatakot na baka hindi mag-rate or what," dagdag pa niya.

Ginawang halimbawa rin ni Ricky ang GMA series na My Husband's Lover na isa sa nakitaan niya ng magandang kalidad, na kung saan nanatili ito sa pagtalakay sa isyu ng kasarian.

Ayon kay Ricky, hindi lang nag-iisa ang Korean drama dahil parte ito ng isang malaking "wave."

"It's not just K-drama, it's K-pop and the damit and the culture. It's one wave. So 'yung K-drama nakasakay sa isang malaking wave. Hindi siya mag-isang nag-i-struggle na trying to make a mark.

"It's one wave supported by the government and supported by a mindset ng mga tao nila na papunta as one wave. So nagtutulungan sila from K-pop to K-drama and so on and so forth," paliwanag ni Ricky.

Para kay Ricky, sa halip na tingnan ito bilang isang kompetisyon, gawin itong inspirasyon kung saan marami tayong matututunan mula sa kanila. At hiling din ni Ricky na sana sila rin ay maraming matutunan mula sa atin.

Sa huli, ibinahagi ni Ricky na ang maaari nating maibigay sa mundo na hahanap-hanapin ay ang sariling tatak Pilipino.

"Anong in the end maibibigay natin na hahanapin nila? Pagka-Pilipino. I think panonoorin nila ang shows kung Pilipino 'yan," sabi ni Ricky.

Samantala, balikan sa gallery sa ibaba ang cast ng GMA series na My Husband's Lover: