Showbiz News

Sikat na vloggers na JaMill, nilinaw ang tax issue at paghabol sa kanila ng BIR

By Aimee Anoc

Nilinaw na ng sikat na vloggers na sina Jayzam Manabat at Camille Trinidad o mas kilala bilang JaMill, ang isyu tungkol sa tax at ang paghabol sa kanila ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa panayam ng dalawa sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ipinaliwanag nina Jayzam at Camille ang dahilan sa biglaang pagbura ng YouTube channel at ang kanilang pagbabalik.

Sources: JaMill (IG)

Noong August 19, ginulat nina Jayzam at Camille ang kanilang followers nang burahin nila ang kanilang channel na may mahigit 12 million followers.

Ito ay nangyari ilang araw matapos na ianunsyo ng BIR ang pagpapatupad nito ng tax regulations para sa YouTuber at Influencers. Kaya naman umani ng samu't saring espekulasyon ang ginawa nilang ito.

"Dumating na lang po 'yung panahon na pinuntahan kami ng BIR sa bahay para i-educate po kami na mayroon pong tax which is inaasikaso na po namin ngayon sa tamang paraan po," paliwanag ni Jayzam.

"Sa mga nanonood 'wag n'yong isiping negatibo kapag 'yung mga tao ay hinahabol ng BIR. Ibig sabihin may potensyal kaming mga vlogger umambag dito sa Pilipinas," dagdag pa niya.

Inumpisahan nina Jayzam at Camille ang kanilang YouTube channel noong taong 2017, na ayon sa social media analytics na Social Blade, ang JaMill channel ay mayroong 1.3 billion views sa 567 videos nito nang ito ay burahin.

Sources: JaMill (IG)

Ayon kina Jayzam at Camille, binura nila ang kanilang channel dahil sa hindi magagandang nangyari sa kanilang relasyon kung saan umabot na sa puntong kinukuwestiyon na nila ang isa't isa tungkol sa kanilang pagsasama.

"Marami po kasi talagang nangyayaring katoksikan po sa amin, inaamin naman po namin 'yon. Mostly, kagagawan ko po," pagbabahagi ni Jayzam.

"In-interview po si Camille ng parang project n'ya, maraming tanong po na parang hindi po talaga maganda. 'Totoo ba talaga itong relasyon? Kayo ba talaga? Mamaya ginagawa n'yo lang 'yan dahil nagba-vlog kayo?' So nasaktan po kami hanggang sa nagtatanungan na po kami, 'nandito ka lang ba kasi nagba-vlog tayo?' dagdag pa nito.

"Naging emotional po talaga nang sobra," dugtong naman ni Camille.

"Nalunod po siya (Camille) sa emosyon n'ya. Ako rin po nalunod na tapos hanggang sa nauwi na po sa delete-an," sabi ni Jayzam.

Mas marami na raw silang natutunan ngayon matapos na dumaan sa pagsubok ang kanilang relasyon.

"May mga moment na tulala kami buong magdamag. Madaling araw kinukwestyon namin 'yung sarili namin, 'wala naman kaming ginagawang masama sa kapwa namin pero bakit ganito 'yung feedback nila sa amin.' 'Yun po 'yung mistake na nagawa po namin dati na hindi po namin na balanse 'yung private life sa public life," pag-amin ni Jayzam.

"Kasi dati po kung ano po 'yung uso ginagawa namin. Hindi po namin iniisip 'yung tama at mali. Kagaya po nu'ng nagpagawa kami ng bahay, nag-house tour kami kasi uso sa mga vlogger.

"'Yung bawat sulok ng bahay bini-video mo. May nag-react na isang vlogger na nagpanggap s'ya na 'Pinoy akyat bahay ako ngayon alam ko na kung paano kita nanakawan.' Which is na-realize ko po 'yung value ng privacy po. Hindi lahat ng bagay ipinapakita mo sa tao," dagdag pa ni Jayzam.

Sources: JaMill (IG)

Ngayon, ibinalik na nina Jayzam at Camille ang kanilang YouTube channel na mayroon nang mahigit 458,000 subscribers.

"Nagtutulungan lang po talaga kami na makaya namin 'to kasi kung titingnan n'yo po sa totoong buhay sobrang hirap po. Akala po kasi ng ibang tao na okay lang lahat, JaMill madali lang 'yan pagsabihan ng kung ano-ano," pagbabahagi ni Camille.

Ayon sa BIR, ang social media influencers na kanilang tinutukoy ay iyong kumikita bilang bloggers at video bloggers sa social media tulad ng YouTube, Facebook, Instagram, Twitter Tiktok, Reddit, Snapchat at iba pa.

Panoorin ang buong interview nina Jayzam Manabat at Camille Trinidad sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

Samantala, balikan sa gallery na ito ang YouTube celebrities na nagkaproblema sa kanilang relasyon: