Showbiz News

Alden, malungkot sa pagtatapos ng One True Love



Malungkot ang Kapuso actor na si Alden Richards sa pagtatapos ng kanyang drama series na One True Love kung saan ka-loveteam nito ang magandang aktres na si Louise delos Reyes. Naging stepping stone ng actor ang naturang show, at kinukunsidera niya itong pinakamalaking turning point ng kanyang career.

Sa panayam ng gmanetwork.com sa actor noong bumisita ito sa GMA Network Center, nagkaroon kami ng pagkakataon na kausapin at tanungin ang actor tungkol sa kanyang mga mami-miss ngayong magtatapos na ang kanyang show.

“Malungkot po ako ngayong magtatapos na itong One True Love. Hindi ko makakalimutan iyong devotion namin at passion  sa One True Love, lahat kami nagpupuyat at nagpapakahirap upang mapaganda ‘yong show. Ito nga po, since malapit na magtapos nari-realize po namin kung ano ‘yong mga nakaka-miss at mga nangyayari sa set tuwing mayroong taping,” kwento ng actor.

Natuwa rin si Alden na naging inspirasyon sa marami ang kanyang karakter na ginagampanan na si Tisoy na mula sa hirap  ay nagsikap upang makapagtapos ng pag-aaral.  “Mayroon pong nag-tweet sa akin na nurse, na ipinakita niya sa akin noong nag-capping siya as a nurse, tapos nakalagay doon is ‘Inspiration ko si Tisoy kaya ako naka-graduate.' Si Tisoy naman kasi, too good to be true 'yong character niya. Inapi siya pero 'di siya lumaban sa mga taong gumagawa sa kanya ng pang-aapi. Gumawa siya ng sariling paraan upang maging successful ngunit  hindi niya tinapakan 'yong  ibang tao."

We asked the actor kung ano ang dapat asahan nga mga manonood sa pagtatapos ng kanilang high rating show, at ito naman ang naging sagot niya. "Nako! Masasabi ko lang is heavy drama talaga at huwag nilang palampasin ang pagtatapos ng One True Love. Bato na lang ang hindi maiiyak dito." 

Tinanong din namin ang actor kung ano pa ang mga dapat abangan sa kanila ng ka-loveteam ngayong patapos na ang kanilang show. “Sana patuloy n’yo lang pong suportahan ‘yong loveteam namin. Kami po kasi ni Louise, very hardworking at very inspired na pag-ibayuhin pa ‘yong mga ginagawa namin bilang artista ng GMA. Malaki po ang pasasalamat namin sa mga fans at kay God.”

Pagkatapos ng One True Love, inaasahan na magiging busy si Alden sa dalawang pelikula na kalahok sa Manila Film Festival na  Si Agimat, Si Enteng at Ako at Sossy Problems. 

Panoorin at huwag palampasin ang huling gabi ng One True Love sa GMA Telebabad at alamin kung ano ang kahahantungan ng pag-iibigang Tisoy at Elize.