
Isa sa mga nagpapasaya ngayong may pandemya ang mga nakaaaliw na content ni John Steven Soriano o mas kilala ng marami bilang si 'Nurse Even.'
Inspirasyon raw niya sa mga ginagawang content ang kanyang personal na mga karanasan bilang isang Pinoy nurse. Gaya na lamang ng maliit na sahod at kakulangan ng benepisyo ng mga katulad niyang frontliner.
Idinaan niya ang kanyang hinaing sa pamamagitan ng paggawa ng skits sa kaniyang TikTok at Facebook accounts, na ikinatuwa naman hindi lang ng kaniyang mga kapwa nars kundi pati ng kanyang subscribers at followers na tinatawag niyang "Kunars."
Isa nga sa nag-viral na content ni Nurse Even ay ang video tungkol sa kaniyang maliit na sinahod kahit na wala naman siyang late at absent sa trabaho. Ang video na ito umani na ng 5.6 million views sa Facebook.
Sa ngayon, ang kaniyang TikTok account ay may mahigit six million likes, habang nasa mahigit one million followers naman ang kaniyang Facebook page.
Sa panayam ng Brigada kay Nurse Even sinabi niya na pampalipas oras lang sana ang paggawa ng skits kaya laking gulat niya nang pumatok ito sa netizens.
“Nung una, pampalipas oras ko lang po talaga siya and then, ewan ko po ang dami pong naaliw sa akin, mapa-nurse, mapa-doktor, mapa-pasyente lahat na nakarelate na sa akin.” masayang ikinuwento ni Steven, na kasalukuyang nagtratrabaho bilang nurse sa United Kingdom.
Pero idinadaan man sa biro ni Nurse Even ang kaniyang pagkadismaya sa natatanggap na sahod, seryosong usapin daw ang kawalan ng benepisyo ng mga health worker.
Sa katunayan, isang taon munang naging nurse sa Pilipinas si Steven bago siya maging nurse sa U.K.
“One of the factors po kung bakit tinarget ko po talaga na maging nurse sa ibang bansa is yung compensation. May mga time talaga na underappreciated ka po talaga, which is nakaka-sad lang po.” Kwento niya.
Source: John Steven Soriano
Mahigit isang taon nang nagtatrabaho sa ibang bansa si Steven na nataon pa pagsisimula ng COVID-19 pandemic, at ang bansang U.K. ang isa sa mga pinakaunang naapektuhan. Dahil dito, isa rin si Nurse Even sa mga frontliner na nagpositibo sa virus.
Source: John Steven Soriano
Wala man siya sa Pilipinas, alam daw ni Nurse Even ang hirap na dinaranas ng Pinoy nurses ngayong nasa gitna tayo ng krisis na dulot ng pandemya. Kaya hiling niya na sana ay magkaroon na sila ng umento sa sahod at karagdagang benepisyo.
“Its about time for you to appreciate us.” dagdag pa niya.
Samantala, nito lamang September 11, nag-viral naman ang meme na ginawa ni Nurse Even kung saan ikinumpara niya ang kawalan niya ng hazard pay sa pagkakaroon ng isang libong baon araw-araw ni Kisses Delavin noong nag-aaral pa ito sa De La Salle University.
Ang post na ito, agad na umani ng sari-saring reaksyon mula sa netizens.
“Ay nasan ang justice kisses! Nahiya ang sahod ng nurses sa pinas sa baon ni kisses” kumento ni Ram Abuan.
Sabi naman ni Irish Pregoner “Ung mas malaki pa baon nya compare sa minimum wage per day haha naol”
Halos ganito rin ang reakyon ni Maria Winda Brigado “un hazard pay dito wala pa sa 1/4 ng allowance ni kisses!!! mapapasana all ka na lng kay kisses…”
Isa lamang si Nurse Even sa maraming online sensations ngayon, na ginagamit ang kanilang social media para makapagpasaya at maghatid ng mensahe tungkol sa kasalukuyang lagay ng mga manggagawa sa ating bansa.
Panoorin ang buong panayam kay Nurse Even dito:
Samantala, narito ang ilang celebrities na may kamag-anak na frontliner: