TV

Mga kuwento tungkol sa tiktik at goldfish therapy, mapapanood sa 'H.O.T. TV' ngayong Linggo


















 

 

 

Isa na namang kaabang-abang at hindi ordinaryong Sunday afternoon ang hatid ng H.O.T. TV. Iba’t ibang kuwento na puno ng kababalaghan at misteryo ang dapat na tutukan.
 
 
Ang unang kuwento na bubusisiin ng H.O.T. TV ay tungkol sa mga nilalang na kung tawagin ay Tiktik. Napabalita na sa bayan ng Bulacan, Bulacan ay may nahuling Tiktik na tinuturong responsable sa pagkawala at pagkamatay ng mga alagang hayop sa naturang lugar. Alamin ang paliwanag tungkol sa misteryong ito at kung dito nga ba nababaling ang kanyang pagka-uhaw sa dugo’t laman ng tao.
 
Hindi rin magpapahuli ang hindi ordinaryong pelikula na Tiktik: The Aswang Chronicles. Panoorin ang exclusive behind-the-scene clips ng kauna-unahang pelikulang gumamit ng green screen technology sa pagbuo ng majority ng mga eksena nito. Live na ihahatid nina Direk Erik Matti, Dingdong Dantes, at Lovi Poe ang buong detalye.
 
Live na live ring makikipagkulitan sa H.O.T. TV hosts ang bagong child wonder ng Eat Bulaga na si Ryzza Mae Dizon. Ipapasilip din ni Ryzza ang bago niyang bahay sa Pampanga na kanyang naipundar para sa kanyang pamilya.
 
Isang hindi ordinaryong therapy din ang napag-alaman ng H.O.T. TV, ang paglunok ng goldfish kontra sa hyper-acidity. Kilalanin ang lalaking nakadiskubre ng instant lunas na ito sa pangangasim ng kanyang sikmura, at alamin ang panig ng mga eksperto hinggil sa kakaibang remedyong ito.
 
Alamin din kung paano gumagana at ginagamit ang infant protection device. Ito ay isang hindi ordinaryong solusyon lalo na ngayon na kasagsagan ng pagdukot sa mga sanggol sa ospital.
 
Abangan ang mga kuwentong ito at iba pang balitang ihahatid ng H.O.T. TV ngayong Linggo, October 14, pagkatapos ng Manny Many Prizes. – Michelle Caligan, GMANetwork.com