
Hindi na lang pang add-to-cart ang pangarap na magarang kasalan nina Eldridge Policarpio at ng kaniyang misis na si Richelle Favor, dahil tinupad na ito ng kumpanya sa likod ng isang sikat na ride-hailing app company.
Sa katunayan, nito lamang September 26, saksi ang kanilang mga pamilya sa pag-iisang-dibdib ng magkasintahan.
Mahigit 10 taon na raw na magkarelasyon sina Eldridge at Richelle kaya noong June 25, 2020 kasabay sana ng kaarawan ng kanilang anak ang nakatakdang kasalan ng dalawa. Pero gaya ng iba nating naunsyaming mga plano, hindi rin natuloy ang kanilang pag-iisang dibdib dahil sa pagdating ng pandemya.
“Last year, buo na yung desisyon namin na magpakasal kasi may pera na kaming naipon para sa kasal namin, civil wedding pa rin naman pero may konting setup sana kasi kasama naman sa naipon namin 'yon.
"Hanggang sa nagkaroon ng total lockdown ng March 2020, hindi kami handa don lalo may anak kaming naggagatas, kaya no choice kami, yung 2 weeks o higit pa na total lockdown ayun yung reason kung bakit naubos yung ipon para sa kasal sana namin, as rider kasi ang asawa ko wala pa ring malinaw na protocol nun sa kanila if paano sila babyahe. Ilang weeks din nagpabago-bago yung desisyon sa restrictions kaya hindi siya nakakabyahe non,” kuwento ni Richelle.
Kaya malaki raw ang pasasalamat ng dalawa sa ride-hailing app na pinagtatrabahuhan ni Eldridge dahil tinupad daw nito ang pangarap nilang wedding.
“Ganito kasi 'yon, nagkaroon kasi si (ride-hailing app) ng isang post sa group nila na parang ganito yung question ano daw yung mga okasyon na hindi natuloy dahil sa pandemic na gusto na matuloy ngayon, so si Drich nag-comment na ayun nga dapat last year pa yung kasal namin kaso dahil sa pandemic hindi na tuloy at umaasa sya na this September 10 matuloy na, then siguro mga 2 days after gamit ko phone n'ya may nag-pop out na notif. Tiningnan ko nagulat ako sa chat nya (from ride-hailing app)…then ayun nagpakuwento lang tungkol sa'min. Then sabi niya salamat daw pero natapos naman yung chats na hindi pa confirm na si Drich yung nanalo, parang candidate pa lang siya ganon.” masayang inilahad ni Richelle.
“Nung nag-confirm na the day after nung chat niya sa account ko, nagkaroon kami ng group chat na tatlo, hindi pa actually nagsi-sink in sa'kin 'yung pagkapanalo ko kasi akala talaga ang premyo ay gift check or vouchers, 'tsaka nalaman namin 'to bago kami ikasal (civil wedding) Sept 10 kasi kasal namin sa Angono.
"So ayun, natuwa kami mag-asawa nung nalaman 'yung gustong nilang mangyari. May mga gabi na hindi na kami makatulog kasi sa sobrang kaba at excitement kakaisip sa kakalabasan nung event na ginagawa para sa'min,” kuwento naman ni Eldridge.
Source: Richelle Favor Policarpio
Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw makapaniwala ang mag-asawa sa biyayang ito na dumating sa kanila. Kung dati raw ay ini-imagine lang ni Richelle ang maikasal, ngayon binalik-balikan niya na lang ang mga larawang kuha sa kanilang kasal kasama ang kanilang mga pamilya.
“Akala ko hanap-buhay lang 'yung kaya nilang i-provide sa mga kagaya ng asawa kong rider, nagkamali pala ko do'n. Kaya rin pala nilang ibigay 'yung mga pangarap ng isang tao. Kagaya nitong kasal, ginawa nilang extra special 'yung araw naming mag-asawa. Unexpected blessing talaga, lalo ngayong pandemic ang focus lang namin ng asawa ko is mairaos lang talaga 'yung kasal pero dahil sa kanila 'yung ini-imagine ko lang na pupuwedeng kalabasan ng kasal ko ay tinupad nila,” naiiyak na sabi ni Richelle.
Source: Richelle Favor Policarpio
Lubos din ang pasasalamat ng dalawa sa ride-hailing app sa maagang pamasko na kanilang natanggap.
“Maraming salamat sa Grab alam ko na marami pa kayong matutulungan at marami pa kayong tutuparin mga pangarap kagaya ng sa'min, alam ko na kaya hindi natuloy 'yung kasal namin last year ay dahil sa will ni Lord 'yon.
"Ito 'yung sinasabi nilang 'In God's perfect time' at talaga nga namang perfect na perfect naging instrumento kayo para sa mas magandang plano niyang kasal para sa'min. Pinatunayan niyo talaga na despite of this pandemic e walang makakahadlang sa inyo para magbigay inspirasyon at pag-asa sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Saludo kami! God bless and again maraming maraming salamat po.”
Pangako naman nila bilang mag-asawa, kahit ilang items pa ng problema ang dumating, kahit kasing bigat man ng parcel ang pagsubok, hinding-hindi sila magka-cancel, tuloy lang ang booking, tuloy lang ang ride ng buhay ng magkasama.