Showbiz News

Paalala ni Pokwang sa mga lilipat: 'Don't burn bridges.'

By Aedrianne Acar

Tatlong buwan na ang nakalipas matapos niyang pumirma ng kontrata sa GMA-7 pero labis-labis pa rin ang pasasalamat ng Pepito Manaloto star na si Pokwang sa pagkakataon na ibinigay sa kanya na maging Kapuso.

Sa idinaos na online media conference para sa guesting ni Miss Pokie sa Daig Kayo Ng Lola Ko ngayong araw (October 1), natanong siya ng entertainment writer na si Rose Garcia, kung kumusta ang journey niya so far bilang isang Kapuso.

Kuwento ng actress-comedienne, “Masaya po, masaya! I'm very-very thankful at excited po ako dun sa mga nilatag sa akin mangyayari [in the next few months].

“Abangan po nila, sobrang excited ako!

“Kasi, nag-meeting po kami... ang ganda! [Sabi ko], 'Hay, Lord! Ipinagdarasal ko po, kaya lang siyempre nasa pandemic pa po tayo ngayon, medyo hinay-hinay po muna tayo sa mga galawan, naiintidihan ko naman po 'yan, pero napakaganda po ng mga inilatag, so excited, sobrang excited ako and very thankful kasi answered prayer po 'yun.”

Pinag-usapan nang husto ang malaking desisyon ni Pokwang na maging parte ng Kapuso Network at iwan ang kanyang dating network na naging tahanan niya for 15 years.

Kaya nag-iwan siya ng paalala sa mga kapwa artista niya na nagbabalak din o nag-iisip na lumipat ng network.

Ayon sa GMA Artist Center star, “Unang-una, nagpapasalamat kami, kasi may mga pinto na nagbubukas, 'di ba, kagaya ng GMA-7. Salamat po. And don't burn bridges. Napakaliit po ng industriyang ito...dapat tayo ay kaibigan mo siya, kaibigan mo [ito] (nag-muestra ng kamay), i-friend mo lahat.”

Heto naman ang iba pang Kapamilya stars na pinili maging Kapuso sa gallery na ito.

Abangan din si Pokwang sa “It's Not You, It's Me” sa Daig Kayo Ng Lola Ko, Linggo ng gabi, pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa oras na 7:00 p.m.