
Tampok sa Stories of Hope ang kwento ng mag-asawang sina Cherry Pie at Arniel Satingasin mula sa Cebu na niloko ng kanilang kinuhang wedding coordinator sa mismong araw ng kanilang kasal nito lamang September 22, 2021.
Kamakailan lang ay nag-viral ang video ni Cherry Pie habang siya ay nakaupo at umiiyak suot ang kaniyang wedding gown. Ang kanila kasing wedding coordinator ay hindi binayaran ang catering at reception na napag-usapan para sa kasal nila ni Arniel.
Kwento ni Cherry Pie sa Stories of Hope, halos gumuho raw ang mundo niya dahil sa hiya sa mga bisita nila na walang inabutan na reception matapos ang kanilang wedding ceremony.
"Napaiyak na lang ako. Sobrang nakakahiya sa mga bisita kasi ang dami nila tapos gutom na gutom galing sa simbahan tapos walang maabutan na reception," paglalahad ni Cherry.
Ang kaniya namang asawa na si Arniel, inaya na lamang daw siyang umuwi at ginawan na lang ng paraan ang naunsiyaming masayang salu-salo.
"Noong nakita ko siyang umiiyak, pinuntahan ko siya tsaka sinabihan ko na lang na umuwi na lang tayo tsaka wala naman tayong magawa kasi nangyari na. Umuwi na kami sa bahay at saka bumili na lang kami ng litson manok para ipakain sa mga kasamahan naming," kwento ni Arniel.
Ang viral video ni Cherry Pie ay mabilis na kumalat sa social media hanggang sa makarating na rin sa mag-asawang Neri Naig at Parokya ni Edgar frontman na si Chito Miranda. Nang mapanood ni Neri ang video, agad nitong pinahanap sina Cherry at Arniel at nag-offer ng wedding reception para sa kanila.
Kaya naman ang naudlot na masayang salu-salo, natupad na sa tulong ng celebrity couple na sina Chito at Neri at ng kanilang mga malalapit na kaibigan. Lubos naman ang pasasalamat nina Cherry at Arniel sa sorpresang ito para sa kanila.
"Masaya na talaga kasi hindi namin inakala na mayroon palang tumulong sa amin… pagkatapos sa hotel, dumiretso kami sa reception. Masaya talaga na kahit papano nawala na yung ano namin sa nangyari," saad ni Arniel.
Panoorin ang buong kwento na ito ng Stories of Hope rito:
Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang ilang mga celebrity weddings na makailang ulit na hindi natuloy dahil sa pandemya.