Showbiz News

Nora Aunor, John Lloyd Cruz, Angeli Bayani at Alessandra de Rossi, pinarangalan sa 44th Gawad Urian Awards

By Aedrianne Acar

Itinanghal ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sina Nora Aunor, John Lloyd Cruz, Angeli Bayani, at Alessandra de Rossi bilang mga Gawad Dekada awardees sa katatapos na 44th Gawad Urian Awards.

Matatandaan na nanalo ng Best Actor trophy si John Lloyd para sa pelikula na 'Honor Thy Father,' samantala pitong beses na nakamit ni Superstar Nora Aunor ang Best Actress award sa Gawad Urian.

Sa Instagram video na in-upload ng talent manager na si Noel Ferrer, inialay ni John Lloyd ang pagkilala na ito sa kanyang anak na si Elias Modesto.

Ayon sa multi-awarded actor, “Sa lahat ng bumubuo sa Gawad Urian maraming-maraming salamat po.

“At nais ko rin ialay ang parangal na ito kay Elias sa aking anak. Nakapaloob sa parangal na ito ang mga pagpili na naglilok at naghabi ng daan ko patungo sa`yo. Ikaw ang tunay na karangalan ko.”

Isang post na ibinahagi ni Noel Ferrer (@iamnoelferrer)

Samantala, bukod sa Natatanging Aktres ng Dekada, naiuwi rin ni Alessandra de Rossi ang Best Actress award sa unang pagkakataon para sa pelikula na 'Watch List.'

"Maraming-maraming salamat po sa pagpili sa akin bilang best actress...Honestly, parang mas sanay lang ako pag Urian na, 'Always the bridesmaid, never the bride,' sabi nga nila. Parang mailap daw sa akin yung best actress."

Ikinuwento rin niya na hindi siya umaasa na mananalo at kung paano pinagdasal ng kanyang ina na magkaroon siya ng Urian.

"Nagkatotoo na lahat ng dasal ng nanay ko! Sa kanya ko siya iniaalay and of course, sa daddy ko na alam ko na mag-iikot na naman sa buong town para sabihin na nanalo ang anak niya," natatawang pahayag na magaling na aktres.

Kinilala naman si Nanding Josef bilang pinakamahusay na aktor para sa kanyang natatanging pagganap sa pelikulang 'Lahi, Hayop.'

Naiuwi ng pelikulang 'Aswang' ang Best Picture, Best Director, Best Documentary, at Best Cinematography awards.