TV

'Artikulo 247,' bagong Kapuso seryeng pagbibidahan nina Rhian Ramos, Benjamin Alves, Kris Bernal at Mark Herras

By Jimboy Napoles

Isang naiibang mukha ng teleserye na naman ang handog ng GMA network sa Kapuso viewers sa 2022.

Ito ay ang 'Artikulo 247' na pagbibidahan ng apat na mahuhusay na aktor at aktres ng kanilang henerasyon na sina Rhian Ramos, Benjamin Alves, Kris Bernal, at Mark Herras.

Ang kuwento ay tatalakay sa Article 247 ng revised penal code ng Pilipinas at kung paano ibinababa ang hatol sa sinumang lalabag dito.

Dahil sa naiibang plot ng serye, excited na ang cast sa kanilang pagsasama-sama.

Si Rhian Ramos ang napiling gumanap bilang si Jane Ortega, isang mapagmahal na anak at asawa na gagawin ang lahat makamit lang ang hustisya sa lahat ng kasamaan na ginawa sa kaniya ni Klaire/Carmen na gagampanan naman ni Kris Bernal.

Sa virtual story conference ng 'Artikulo 247' kamakailan, sinabi ni Rhian na excited siya sa bagong role na ito na ibinigay sa kanya.

“Sobrang excited ako to play the character of Jane for this show kasi yung pinaka favorite ko talaga na character yung gray. Dahil naniniwala akong hindi lahat ng tao ay as in mabait palagi, or one hundred percent masama. Lahat ng tao nakakagawa ng mali. Hindi dahil nanandya sila or kontrabida talaga sila, but dahil.. minsan misled tayo...We always think that we're trying do the right thing… 'Yun yung favorite kong i-play na character and I think Jane has everything that I'm looking for.” aniya.

Source: Instagram @whianwamos

Bago naman daw para sa original "Bad Boy ng Dance Floor" na si Mark Herras ang role na binigay sa kanya ngayon ng GMA. Dahil mula sa pagiging Bad Boy sa kanyang mga nagdaang projects, makikilala naman siya ngayon bilang si Elijah Borromeo na ideal son, reliable, caring, sensitive, at perfect gentleman. Gayunpaman, excited pa rin si Mark dahil bukod sa kaniyang challenging role, naiibang timpla ng teleserye naman ang ihahain nila sa mga manonood.

“First time ko makakagawa ng show na may kinalaman sa batas. So hindi namin siya pwedeng basta gawin lang. For example, may mga scenes na pinag-uusapan yung 'Article 247,' hindi namin siya pwedeng gawin lang doon sa gusto naming paraan, Siyempre, dapat base doon talaga sa nakasulat, siyempre dahil part siya ng law may mapupulot talaga sila na aral. Karamihan ng soap ngayon ay may mga third party, may kabit, di ba? This time meron naman silang mapupulot na aral.” aniya.

Source: Instagram @herrasmarkangeloofficial

Kumpiyansa naman si Kapuso Heartthrob Benjamin Alves, gaganap na si Noah Borromeo at kapatid ni Elijah, na malalim ang diskusyon na iiwan ng kanilang gagawing serye sa mga manonood.

“Magandang i-present sa mga Kapuso natin through this soap itong mismong ('Article 247')…I'm sure if we could go back to the archives ng 24 Oras marami pong headline na ganito or naging documentary… so gagawin nating drama naman.” aniya.

Source: Instagram @benxalves

Bukod kina Rhian Ramos, Benjamin Alves, Kris Bernal, at Mark Herras. Kasama rin sa serye ang pinagsamang pwersa ng mga batikang artista at bagong mukha sa telebisyon. Nariyan sina Carla Martinez na gaganap bilang si Sarah Borromeo, ina nina Elijah at Noah at Glydel Mercado bilang si Rose Ortega na gaganap naman bilang ina ni Jane Ortega (Rhian Ramos).

Gaganap namang kontrabida si Mike Tan bilang si Julian na long-time partner ni Klaire/Carmen (Kris Bernal). Kasama rin sina Maureen Larrazabal bilang si Pinky, Denise Barbacena bilang si Chichi, Brent Valdez bilang si Jigs, at si Rain Matienzo o mas kilala bilang "Conyo Girl" na gaganap naman bilang si Tanya.

Makakasama rin sa ilang mga episodes ng serye sina Victor Silayan bilang si Alfred at si Topper Fabregas bilang si Atty. Marcel.

Ang 'Artikulo 247' ay sa ilalim ng direksyon ni Direk Jorron Monroy.

Inaasahang mapapanood ang 'Artikulo 247' sa January 2022.