Showbiz News

Andrea Torres, nagpunta sa Argentina para sa isang international movie project

By Marah Ruiz

Muling nakabingwit si Kapuso actress at Legal Wives star Andrea Torres ng panibagong international movie project.

Ito ang pangalawang international movie project ni Andrea. Matatandaang nagtungo siya sa Cambodia noong 2016 para sa Fight for Love, ang pelikulang co-produced ng GMA Network and Cambodian Television Network (CTN).

Very proud si Andrea na mapasamang muli sa isang international movie.

"Siyempre po, proud ako and very, very excited. Gusto ko lang talaga na ipakita sa kanila kung paano tayo magtrabaho. Gusto ko rin, 'yung mga bosses ko sa GMA matuwa sa kung ano rin 'yung sasabihin nila about us," pahayag ni Andrea.

Itunuturing niyang panibagong blessing ang proyektong ito, na tila kukumpleto sa isang napakasuwerteng taon para kay Andrea.

"Hindi ako makapaniwala! Napakalaking blessing na napakaganda ng taon na ito for me in terms of career. I'm very, very happy lang talaga," bahagi ng aktres.

October 21 nang nagtungo si Andrea sa bansang Argentina, kung saan iso-shoot ang ilang mga eksena ng pelikula. Mamamalagi siya roon ng dalawang linggo.

Pasional ang tentative title ng pelikula, kung saan gaganap si Andrea bilang isang tango dancer. Ang pelikula ay co-production ng Filipino producer, Argentine producer at GMA Network.

"It's actually a love story. 'Yun 'yung pinaka na-e-excite ako kasi gustung-gusto kong gumagawa ng mga love story. I don't want to say anything that might spoil it, pero natuwa lang ako sa idea kung paano sila nag-meet kasi parang destiny na magkita sila," paliwanag ni Andrea.

Si Andrea lang ang tanging Pilipino sa main cast pero magkakaroon din ng shooting dito sa Pilipinas, na nakatakda sa unang bahagi ng susunod na taon.

Patuloy na bumisita sa GMANetwork.com para sa udpates tungkol sa international movie project ni Andrea Torres.

Samantala, silipin ang quarantine glow up ni Andrea sa gallery na ito: