Showbiz News

Jeremiah Tiangco, ibinahagi ang kwento sa pagsali sa WCOPA

By Jimboy Napoles

Ikinuwento ng The Clash season 2 champion na si Jeremiah Tiangco sa Eat Bulaga ang kaniyang karanasan sa pagsali sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) taong 2017.

Kuwento ng tubong Cavite na si Jeremiah, ibang klaseng experience raw ang naibigay sa kaniya ng WCOPA na mas lalong humasa sa kaniyang talento sa pag-awit. Sa katunayan, dalawang silver at isang bronze ang naiuwi niya mula rito.

"Nag WCOPA po ako, World Championships of Performing Arts delegate po ako...Dalawang silver po isang bronze [ang naiuwi ko] 80 delegates po kami nung pinadala kami nung 2017," ani Jeremiah.

Dahil mula sa iba't ibang bansa ang kaniyang kasama noon, hindi raw naiwasan ni Jeremiah ang makaramdam ng kaba. Pero ginamit niya raw ang kabang ito upang mas galingan pa sa kaniyang mga performances.

"Para po sa akin mas okay yung kinakabahan ng kaunti, kasi mas doon lumalabas yung galing eh, adrenaline kumbaga," sabi ng singer.

Paglalahad pa ng singer, bukod daw sa mga beauty pageants, talagang hinahangaan din daw ang mga Filipino performing arts artists pagdating sa stage.

"Sobrang talented at sobrang lakas din po kasi ng dating ng mga Pinoy sa ibang mga countries," kwento niya.

Kung noong una raw ay nais niya lang manalo para sa kaniyang sarili, mas namayani raw ang kaniyang pagiging Pilipino nang siya ay mag-perform na.

"Nung una, ang intention ko para sa sarili ko lang pero nung once na tumapak na po ako sa L.A., na-realize ko na para sa Pilipinas 'to," proud na sinabi ni Jeremiah.

Mensahe niya naman sa mga gusto ring magtanghal sa WCOPA, "Mag-enjoy po sa stage. Like sa WCOPA po, once in a lifetime lang po yung opportunity na yun, 'yung experience na yun, why not enjoy it," sabi ng The Clash season 2 champion.

Nagpaunlak din ng isang awitin si Jeremiah sa Eat Bulaga nang maging guest celebrity siya sa segment ng programa na Bawal Judgemental, panoorin dito:

Abangan din si Jeremiah sa 2021 GMA Christmas Station ID na malapit na ring mapanood ng mga Kapuso.

Samantala, mas kilalanin pa si Jeremiah Tiangco sa gallery na ito: