Showbiz News

Allan K, naging emosyonal nang alalahanin ang nangyari noon kay Boobay

By Jimboy Napoles

Emosyonal ang naging episode ng Bawal Judgemental sa Eat Bulaga kamakailan kung saan tampok ang kwento ng celebrities at non-showbiz guests na dumaan sa isang near-death experience.

Isa na rito ang kapwa Eat Bulaga host na si Boobay na matapang na ikinuwento ang nangyari sa kaniya nang atakihin siya ng mild stroke taong 2016.

"2016 nangyari yun nang atakihin ako ng mild stroke, dumating talaga sa point na muntik na akong bumigay. Yung stroke talaga na kung hindi lang talaga ako naitakbo agad baka kung (ano na ang nangyari) yung kalahati ng katawan ko paralyze na" kwento niya.

May mga sintomas na pala ang kaniyang pagkakaraoon ng mild stroke noon tulad ng memory loss at pagiging wala sa focus, pero binabalewala niya lang ito, upang tuloy-tuloy na makapagtrabaho.

"Memory loss...may mga pagkakataon na nag on-off,on-off yung aking pag-iisip.May mga sintomas na pala that time pero dinisregard ko lang siya, sinasabi sakin nung mga kasamahan ko sa Klownz na nagsusuot daw ako sa backstage ng stockings sa ulo, pero hindi ko na ito maalala. Kasi may mga skits kami na ginagawa sa stage...tapos iba-iba daw yung sinasabi ko. Akala raw nila nagjo-joke ako, pero yun pala hindi ko lang maalala kung ano yung sinasabi ko.

"Dinisregard ko yung mga pinapakitang sintomas sa 'kin ng stroke hanggang sa 'yun nga one month ako sa hospital" paglalahad ni Boobay.

Halos gumuho raw ang mundo noon ng Kapuso comedian nang unti-unting maramdaman na humihina na ang kaniyang katawan.

"Dumaan din ako sa hindi ko alam kung depression yun. Usually kasi 'di'ba nagpeperform ako gabi-gabi, tapos biglang nandun na lang ako sa loob ng room, nandoon lang nakatengga lang. Tulala lang, tapos nag-iisip ka kung kailan babalik yung memories mo kasi alam ko sa sarili ko na hindi ako 'to." naluluhang sinabi ni Boobay.

Kwento pa ng The Boobay and Tekla Show host, ipinaubaya niya na raw sa taas noon ang kaniyang buhay, dahil sa hirap ng kaniyang sitwasyon.

"Sabi ko Lord kung ito na 'yung time talaga na hanggang dito na lang, sabi ko, sige ibibigay ko na, maggi-give up na ako. Pero may mga taong pinadala talaga ng Poong maykapal para mas pag-igihan ko pa at makabalik ako sa dati". kwento niya.

Ibinahagi rin ni Boobay ang mga panahon na nag-uumpisa pa lang siya sa industriya at pinapangarap pa lang ang makapagperform sa mga sikat na entertainment stage sa Manila.

"Hindi mawala sa isip ko yung pumunta ako ng Manila one time, dumaan ako sa Klownz, hindi ako makapasok, kasi kulang 'yung pera ko. Hindi ako makapasok kasi may entrance fee na 300 pesos eh kasya lang 'yun pang-Victory liner ko pabalik ng Baguio kaya sabi ko, babalik ako ng Baguio pero isang araw, sabi ko magpeperform ako sa stage na 'yan, tapos pinagbigyan ako" ani Boobay.

Sa kwentong ito ni Boobay hindi napigilang maluha ng Dabarkads na sina Wally Bayola, Paolo Ballesteros, at si Allan K na dumalaw pala noon sa ospital kay Boobay.

Paglalahad ni Allan "Siyempre nasaktan din ako kasi anak-anakan ko 'to eh. Ako, ayoko nang puntahan ka (Boobay) ulit (sa ospital), 'yung tatanungin kita kung kilala mo ako, sabi mo "oo", anong pangalan ko?"

Pero hindi raw noon makasagot si Boobay, pagpapatuloy ni Allan "humingi siya ng saklolo sa mga tao sa paligid, sabi niya "ano na ngang pangalan niya?" umiiyak na sinabi ni Allan.

Nang malaman daw ni Allan ang kaniyang sitwasyon, hindi raw ito nag-atubili na tulungan si Boobay.

"Nung nalaman ko na uwian siya ng Baguio, sabi ko dito ka na sa Manila, bibigyan kita ng set every night, tapos maghanap ka ng bahay na mauupahan" ani Allan.

Sa kabila ng kaniyang mapait na pinagdaanan, marami raw natutuhan si Boobay sa karanasan niyang ito na talagang bumago sa kaniyang buhay.

"Learn to say no. Kapag 'di na kaya ng katawan, listen to your body, pakinggan mo yan kapag pinaparamdam niya sa 'yo na hindi niya kaya, 'wag mong pilitin" pangaral ni Boobay.

"Siguro kaya binigyan ako ng pagkakataon ulit kasi may purpose pa ako, ang makapagpasaya ng tao". dagdag pa niya.

Mapapanood si Boobay araw-araw sa Philippines' longest-running noontime variety show na Eat Bulaga at sa late night gag show tuwing Linggo na The Boobay and Tekla Show 10:00 p.m. sa GMA.