Showbiz News

Tambalang Mario Maurer at Davika Hoorne ng 'Love Beyond Time,' mapapanood na sa GMA

By Aimee Anoc

Mapapanood na ang pinakabagong Lakorn series ng GMA, ang Love Beyond Time, na pinagbibidahan ng dalawa sa pinakasikat na bituin ng Thailand na sina Mario Maurer (Leonardo) at Davika Hoorne (Vanessa).

Makakasama rin sa Lakorn series na ito sina Apo Nattawin Wattanagitiphat (Samuel), Prang Kannarun Wongkajornklai (Isabel), at Jason Young (Oscar).

Ang Love Beyond Time ay iikot sa magkaibang panahon nina Leonardo at Vanessa.

Mula sa kasalukuyan, matutuklasan ni Vanessa ang daan patungo sa nakaraan na magbibigay ng panibagong pag-asa at pag-ibig sa kanya.

Dahil sa paulit-ulit na pagtataksil ng kanyang asawa, napagdesisyunan ni Vanessa na manirahan na lamang sa kanilang ancestral house sa probinsya.

Hindi inaasahan ni Vanessa na ang lumang kama pala sa kanilang bahay ay kaya siyang dalhin sa nakaraan. Natuklasan nito na sa tuwing matutulog sa mahiwagang kama ay napupunta siya sa nakaraan na daan-daang taon na ang nakalipas.

Dito niya makikilala si Leonardo, prinsipe ng Lanna Empire at nabibilang sa isang maharlikang pamilya. Sa panahong ito, nakatakda nang ikasal si Leonardo kay Rosemarie (Sara Legge) na isa ring maharlika.

Sa paulit-ulit na pagkikita, mahuhulog ang loob ni Vanessa kay Leonardo. Paano ipaglalaban nina Vanessa at Leonardo ang pag-iibigan kung magkaiba ang kanilang mga panahon?

Subaybayan ang Love Beyond Time, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m sa GMA.

Samantala, kilalanin sa gallery na ito si Mario Maurer: