Showbiz News

Si Vilma Santos nga ba ang babae na nakita sa 1950s album ng isang lolo?

By Aimee Anoc

Viral ngayon ang litrato ng isang babae na nakita sa 1950s album ng isang lolo na kahawig daw ni Star for All Seasons Vilma Santos.

Marami ang nagtaka at napatanong kung tunay na si Vilma nga ba ang nasa lumang family album na halos isang siglo na ang tanda.

Ika nga kung bubuksan ang nasabing photo album ay para kang nag-time travel dahil sa mahigit 400 na mga lumang larawan mula 1920s hanggang 1950s.

Pagmamay-ari ang nasabing album ni Jose Romero na ipinanganak noong 1908. Ayon sa apo sa tuhod na si Lia Consuelo San Mateo, nagulat sila nang may makitang litrato ng isang babaeng kamukhang kamukha ni Vilma.

"Super kamukhang kamukha niya (Vilma Santos) po 'yung nasa photo album. Imposible po na si Ms. Vilma po 'yun kasi po family album po siya. Sa family po namin wala naman pong super kahawig ni Ms. [Vilma]," pagbabahagi ni Lia.

Ayon sa pamilya ni Lia, kung mayroon daw nakaaalam tungkol sa nasabing babaeng kahawig ni Vilma, ito ay ang 85-year-old na si Eliseo Trompeta.

"Mahalaga sa akin 'yan (larawan). Iyan nga iningatan pa ng misis ko," sabi ni Eliseo. Masaya rin si Eliseo na makita ang larawang mula pa noong kabataan niya.

At para matuldukan na kung sino talaga ang babaeng nasa larawan, inimbitahan ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang Star for All Seasons.

Hindi naiwasang maging emosyonal ni Vilma nang makita ang mga larawan dahil totoong siya nga raw ang babaeng nasa family album ni Lia.

Ayon kay Vilma, nasa edad 16 siya noong magpakuha sa kanya ng larawan si Lolo Eliseo. Kuha rin ang nasabing larawan noong 1970s.

"Ako iyan, Lolo Eli. Nagpa-picture po tayo matagal na matagal na," sabi ni Vilma.

"Sa airport ako rati. Nasa arrival, nagkita tayo roon. Basta ang nangyari n'yan ay nagpasyal siya sa airport. Inabutan niya kami roon kasi kami naman ay roon nakadestino sa airport," paglilinaw ni Lolo Eliseo.

Ayon sa asawa ni Lolo Eliseo, binigyan ni Lolo Eliseo ng kopya ng larawan nila ni Vilma ang lolo ni Lia kaya napasama ito sa family album.

Nag-uumapaw naman ang pasasalamat at pagmamahal ni Vilma para kay Lolo Eliseo dahil kahit mahabang panahon na ang lumipas ay naitago pa nito ang mga larawan.

Panoorin ang buong kuwento ni Lolo Eliseo sa Kapuso Mo, Jessica Soho:

Samantala, balikan sa gallery na ito ang old ID photos ng mga sikat: