Showbiz News

'Wish Ko Lang,' tinulungan ang magkasintahang naudlot ang kasal

By Aimee Anoc

Nasaksihan natin noong Sabado, November 27, ang eskandalong nangyari sa kasal nina Rita at Dennis dahil sa pamamaril ni Mariel sa "Magkaibigan" episode ng bagong Wish Ko Lang. Binibigyang buhay nina Rabiya Mateo, Jeric Gonzales at Kim Rodriguez.

Parehong umibig kay Dennis (Jeric Gonzales) ang matalik na magkaibigan na sina Rita (Rabiya Mateo) at Mariel (Kim Rodriguez).

Nang malaman ni Mariel na si Dennis pala ang lalaking pakakasalan ni Rita, agad nitong hiniling sa huli na magparaya kapalit ang kabayaran sa lahat ng pagkakautang nito.

Pero hindi pumayag si Rita sa gustong mangyari ni Mariel kaya naman sa araw ng kanyang kasal ay nag-eskandalo ang huli at nauwi sa barilan.

Sa kasalukuyan, napatawad na ni Rita si Mariel sa ginawa nitong pamamaril sa kanya. At para ituloy ang naudlot na kasal, pinagkalooban sina Rita at Dennis ng bagong Wish Ko Lang at ng Fairy Godmother na si Vicky Morales ng wedding coordination package at honeymoon staycation package.

Binigyan din sina Rita at Dennis ng bagong Wish Ko Lang ng salon spa package, shopping spree, at mga bagong kagamitan sa bahay. Sinagot na rin ng programa ang isang taong electric bill ng dalawa.

Hindi rin mawawala ang tulong pinansyal para kina Rita at Dennis at isang brand new smartphone.

Kasama naman sa negosyo package ng pamilya ni Rita ang sari-sari store, refreshment merienda business, karinderia business, RTW at beauty business.

At para sa tuloy-tuloy na paggaling ng ina ni Rita, sinagot na rin ng programa ang iba pang kinakailangang medikal nito.

Abangan kung sino at paano mabibigyan ng magandang bagong simula ng programa ang susunod na tampok sa "Tatlong katauhan ni Sunshine" episode ngayong Sabado, December 4, sa bagong Wish Ko Lang, alas-4 ng hapon sa GMA.

Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, bisitahin ang gmapinoytv.com.

Samantala, bibida sa "Tatlong katauhan ni Sunshine" episode ng bagong Wish Ko Lang si Kapuso actress Barbie Forteza. Kilalanin siya sa gallery na ito: