Showbiz News

'Unang Hirit,' 22 years nang bumabangon para sa pamilyang Pilipino

By Beatrice Pinlac

Mahigit dalawang dekada nang naghahatid ng balita at aliw sa mga Pilipino ang barkadahan ng Unang Hirit (UH) kaya lubos silang nagpapasalamat sa lahat ng patuloy na sumusubaybay sa kanilang programa.

“More than just being a program, it's like being a part of the family of every Filipino. Ikaw 'yung gumigising sa kanila sa umaga. Ikaw 'yung nagbibigay sa kanila ng balita na kailangan nila. Ikaw 'yung nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Ikaw 'yung nagbibigay ng entertainment,” inihayag ni Mariz Umali.

Kahit mahirap gumising ng maaga at delikadong makipagsapalaran sa labas sa gitna ng pandemya, patuloy silang bumabangon para sa pangako nilang paglingkuran ang mga Pilipino.

Ayon sa batikang UH host na si Arnold Clavio, hindi na raw nila gaano nararamdaman ang pagod dahil itinuturing na nila itong “commitment sa tao.”

Matapos ang 22 taon, pangako ng UH barkada na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang layunin na makatulong sa iba sa pamamagitan ng programa.

Ngayong taon, samu't saring papremyo at sorpresa ang handog nila para sa kanilang mga tagasuporta.

Muli nilang inilunsad kahapon (December 6) ang “Bagong Buhay, Bagong Bahay sa 2022” na bukas sa lahat ng mga Pilipinong 18 years old o pataas at namamalagi sa Pilipinas. Para sa pagkakataong manalo ng bagong bahay, ang kailangan lamang sagutin ay: “Bakit ikaw o ang iyong nominado ang karapat-dapat makatanggap ng brand new house and lot?”

Maaaring magpadala ng mga sagot hanggang Disyembe 31, 2021 (8 a.m. PHT), at iaanunsyo naman sa Enero 17, 2022 ang maswerteng mapipili para sa pabahay na handog ng programa.

Abangan din ang maagang pa-Noche Buena, cash prizes at madami pang iba na ipamimigay ng Unang Hirit para sa isang linggong pagdiriwang ng kanilang ika-22 taon sa telebisyon.

Patuloy na makisaya kasama ang UH barkada tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:30 a.m. dito lamang sa GMA.

Silipin naman ang behind-the-scenes ng “new normal” sa Unang Hirit dito sa gallery na ito.