Showbiz News

Joaquin Domagoso-starrer 'Caught in the Act,' unang Pinoy film na ipalalabas sa sinehan simula nang magpandemya

By Nherz Almo

Masaya ang young actor na si Joaquin Domagoso na sa wakas ay maipapalabas na ang unang pelikula niya, ang Caught in the Act.


Ang youth-oriented movie na ito, na sinulat at idinerehe ni Perry Escaño, ang unang Pinoy film na maipalalabas sa mga sinehan simula nang muling magbukas ang mga ito. Matatandaan na sa loob ng halos dalawang taong naipasara ang mga sinehan bilang pag-iingat sa paglaganap ng COVID-19.

Dapat sana ay mauuna ang pelikula tungkol sa buhay ng dating aktor at ngayo'y Manila Mayor na si Isko Moreno, ang Yorme. Unang naka-schedule na maipalabas sa mga sinehan noong December 1 ang pelikulang idinerehe ni Joven Tan, ngunit naurong na ito sa January 26, 2022. Samantala, ang Caught in the Act ay ipalalabas sa December 15.

"Glad ako na nakalabas na po yung movie namin. Pero hindi naman sa mas masaya ako o mas malungkot ako na nauna po yung movie ni papa o hindi. Pero happy po ako na makakalabas na pala siya," sabi ni Joaquin sa ginanap na presscon bago ang premiere night ng Caught in the Act noong Sabado, December 4.

Sa kabilang banda, pressure naman ang nararamdaman ni Direk Perry sa nalalapit na screening ng kanyang pelikula.

Aniya, "Siyempre, pressure para sa akin as a director kasi lahat po nakatingin sa akin ngayon. Kauna-unahang pelikulang Pilipino, sa akin ngayon nakatingin lahat. Ano ba ang meron sa Caught in the Act na dapat abangan, kung ito ay magiging successful, kung tuluy-tuloy lang ang pelikula natin maging successful."

Gayunman, sabi ni Direk Perry, "Confident naman ako kasi ako yung nag-edit ng material. Pinaglaanan ko ng ilang oras, nag-edit ako ng ilang beses. Nag-review ang mga kaibigan nating film reviewers and positive naman ang outcome. Confident ako sa pelikula na okay siya."

Dating thesis daw ng direktor ang istorya ng Caught in the Act sa scriptwriting workshop sa ilalim ng batikang manunulat na si Ricky Lee.

Ang istorya nito ay iikot sa senior high school students na makakabuo ng isang crime-stopping mobile application na "Caught in the Act." Habang tine-test ang application, makaka-witness sila ng isang krimen na kinasasangkutan ng isang sindikato.

Sa palagay ni Direk Perry, napapanahon ang pelikulang ito, "Gusto ko yung modern stories na ihahain natin sa ating mga manonood. Kasi, lahat tayo ngayon ay naka-engage sa modern technology, lahat tayo nasa social media. I think ito ang maibibigay natin sa kanila ngayon para lahat tayo maka-relate."

Social media influencer

Samantala, napag-usapan din sa press conference ang tungkol sa pagiging social media influencer.

Para kay Joaquin, maituturing niya ang sarili bilang social media influencer dahil sa kanyang trabaho bilang aktor.

Paliwanag pa niya, "I do consider that kapag artista ka na ngayon sa industry natin, you're more or less an influencer in some ways kasi part na yung industry natin sa social media, so wala ka nang magagawa dun.

"Talagang kung gagawa ka ng image, kailangan ka ring gumawa ng social media and gamitin mo yung to boost your followers or to influence people."

Subalit aminado ang binatang aktor na sa ngayon ay hindi niya masyadong naa-update ang kanyang fans sa kanyang social media. Kasalukuyan kasing nasa lock-in taping ng First Lady si Joaquin, na muling gaganap bilang si Jonas sa sequel na ito ng dating hit GMA Telebabad series na First Yaya.

"Sa mga ginagawa ko ngayon, parang nagkululang po ako sa pagkaka-influence ng mga tao. Parang nakukulangan ako sa mga post ngayon," sabi ni Joaquin.

Silipin ang lock-in taping ng First Lady sa La Union dito: