TV

Katrina Halili, nagbabalik-telebisyon sa Magpakailanman

Maituturing na isang kuwento ng tagumpay ang pagtayog ng bituin ng aktres na si Katrina Halili, ngunit sa rurok ng kanyang tagumpay ay nasangkot siya sa isang kontrobersiya na siyang nakapagpabago ng takbo ng kanyang buhay. Sa Enero 26 ay ipapalabas sa Magpakailanman ang kabanantang ito sa buhay ni Katrina. Si Katrina rin ang gaganap bilang kanyang sarili.
 
Nagsimula siya bilang isang Starstruck Avenger, at napakalayo na ng kanyang narating mula dito. Siya ay gumanap sa iba’t ibang di-malilimutang papel sa ilang teleserye. Wala paring nakakapantay sa kanyang record ng pagiging sexiest sa isang men's magazine poll for two consecutive years. Mula sa tuktok ay may malagim na nangyari sa kanyang buhay, ngunit marami siyang natutunan rito.
 
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Katrina, ibinahagi ng aktres na masayang masaya siya ngayon sa kanyang buhay pamilya at sa pagiging mommy sa baby niyang si Katrence. Nang tanungin siya kung ano ang mga paghahandang ginawa niya sa kanyang comeback sa telebisyon, patawang inilahad niya, “Actually nagbihis lang ako kasi ako din ito. Wala masyadong preparations. Actually, nagpapayat ako para magprepare sa role.”
 
Ukol naman sa kung ano ang mga aabangan sa kuwento ng kanyang buhay, ito lamang ang nasabi ni Katrina: “Siguro dapat abangan nalang nila kung ano yung ups and downs ng buhay ko. Yung pinaka may kulay nung nakaraan. Pero siyempre, may ibang kulay na ngayon. Interesting. Kailangan panoorin nalang nila.”
 
Inaasahang may mga eksenang may heavy drama dito para kay Katrina. Anu-ano kaya ang mga ito? “Siyempre may drama. 'Yung sa pagkawala nung lola ko, at saka 'yung nangyari sa akin. Makikita nila 'yung kung papaano ako nakarecover dun sa nangyari sa akin,” ani Katrina.
 
Alamin kung anong mga pagsubok ang pinagdaanan ni Katrina Halili, at kung paano niya nalampasan ang lahat ng ito. Abangan ang nakakaantig na kuwento ni Katrina Halili sa Magpakailanman ngayong Sabado, Enero 26. - Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com