TV

MAGPAKAILANMAN presents “Kagat ng Asong Ulol: The Eduardo Sese Story”

Araw-araw ay may nakakagat o nakakalmot ng aso, ng pusa, at ng kung anong hayop; mga sugat na karaniwan ay hindi iniinda dahil galos lang naman, o ‘di kaya ay sasabihing malayo sa bituka. At kahit na ikinakalat na ang kaalaman tungkol sa rabies ay marami pa rin ang hindi nakakaintindi sa panganib na dala ng sakit na ito; at kadalasan, ang kanilang kawalan ng kaalaman ang nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay.
 
Isa na si Eduardo Sese sa mga taong ito, isang pamilyadong lalake mula sa Pampanga; at ito ang kaniyang kuwento.
 
Mabait at matulungin, mahuhulog ang loob ni Eduardo sa babaeng kabaliktaran niya—si Ivy. Magmamahalan ang dalawa, pero tututulan ang kanilang pagsasama ng pamilya ng lalake. Para kina Aling Maxima, hindi sila kauri ni Ivy at mamaliitin lang ng babae si Eduardo dahil kulang ito sa pinag-aralan at hikahos pa sa buhay ang pamilya nila.
 
Ganoon pa man, ipagpapatuloy nina Eduardo at Ivy ang kanilang pagsasama. At hindi nga magtatagal ay magkakaroon na ng mga hindi pagkakaunawaan ang asawa, lalo pa’t hirap makahanap ng trabaho si Eduardo dala ng kaniyang kakulangan sa eduksayon.
 
Sa mga panahong ito, ibinubuhos ni Eduardo ang kanyang oras sa pag-aalaga sa napulot na aso—si Teroy.
 
Kasa-kasama ng pamilya ni Eduardo si Teroy sa lungkot at saya, at sa kaarawan ni Eduardo ay makikisabay pa ito nang manganak ang aso—tutang mga mumunting regalo niya sa among nagmahal sa kaniya. Kung saan ang isa ay mapapakagat sa daliri ni Eduardo sa gutom.
 
Ng mga panahong ito lalala ang hidwaan nina Eduardo at Ivy. Magpapatong-patong ang mga alitan ng dalawa hanggang sa magde-desisyon si Eduardo na umuwi muna sa kaniyang pamilya para magpalipas ng sama ng loob.
 
Sa piling ng kaniyang pamilya, hihikayatin siya ng mga ito na iwan na ang asawa niya. Pero mahihimasmasan na si Eduardo. Kasabay ng Semana Santa ay maiisipan ni Eduardo na makipag-ayos kay Ivy. Iaaalay ni Eduardo ang kaniyang pagpe-penitensya sa kaniyang pamilya kasama si Ivy.
 
Pero bago matapos ang Semana Santa ay magkakaroon ng mga pagbabago kay Eduardo. Natatakot na siya sa ihip ng hangin, sa pagkabasa—lalabas na ang mga symptoms ng rabies kay Eduardo! Ngunit dahil walang kaalaman tungkol sa rabies, hindi rin alam nina Aling Maxima ang dapat gawin sa anak.
 
Makakaligtas ba si Eduardo mula sa mapahamak na kagat ng kaniyang alagang tuta? Magagawa bang magkaayos nina Ivy at ng mga pamilya ng kaniyang asawa? At magagawa bang magkabalikan nina Eduardo at Ivy sa oras ng pangangailangan ng lalake?
 
Ilan lamang ito sa mga katanungang sasagutin ngayong Sabado sa Magpakailanman, starring Gabby Eigenmann bilang si Eduardo Sese, with Rochelle Pangilinan, Irma Adlawan and Maybeline dela Cruz.