
Mapangahas ang mga eksena ngayong Sabado, December 25, sa "Gayuma" episode ng bagong Wish Ko Lang na pagbibidahan ni Kapuso actress Max Collins.
Ayon kay Max, pinaghandaan niyang mabuti ang karakter ni Regina, na ginayuma ng kababatang si Adan (Dave Bornea).
"Nag-research ako tungkol sa gayuma. And I tried to feel the [place]. Kasi bilang artista you really have to adapt to your surroundings and i-feel kung ano 'yung pakiramdam to live in this area. It was so nice shooting sa ilog kasi iba talaga kapag nasa nature ka," kwento ni Max.
Dahil sa maganda at seksi, maraming mga lalaki ang nanliligaw kay Regina. Kilala rin siya sa pagiging mapili sa kanyang mga manliligaw kaya naman marami ang nagulat nang maging kasintahan niya ang kababatang si Adan, na may malaking pilat sa mukha at palaging tinutukso dahil sa itsura nito.
Ang paniniwala ng magulang at matalik na kaibigan ni Regina ay ginayuma siya ni Adan. Paano kaya ililigtas ni Regina ang sarili sa panloloko ni Adan?
Makakasama rin ni Max Collins sa "Gayuma" episode sina Jak Roberto, Tanya Gomez, Bench Hipolito at Bernicular.
Sa isang press interview, sinabi ni Max na komportable siyang makatrabaho sina Dave Bornea at Jak, na bibigyang buhay ang karakter ni Stephen, ang tunay na minamahal ni Regina.
"Para sa matinding mga eksena namin, I really have to trust my partners, si Jak at Dave. Kasi maraming physical na ganap sa scenes and they were very professional the entire time and we really help each others sa bawat eksena," kuwento ni Max.
Proud din ang aktres na mapabilang sa Christmas special episodes ng bagong Wish Ko Lang na puro kababaihan ang bida.
"Nakaka-proud. Ang saya na this month is about women empowerment para sa 'Wish Ko Lang.' And lahat ng characters ay strong female leads. I'm proud to be one of them."
Ibinahagi rin ni Max ang mga natutunan sa episode ng bagong Wish Ko Lang.
"Na ang tunay na pag-ibig ay hindi pinipilit. We all know that kapag pinipilit mo ang isang bagay or feeling, hindi maganda ang kinakalabasan. If we're in love with someone it should be reciprocated. And kapag reciprocated 'yung love, that's when it becomes harmonious. That's really what true love is."
Huwag palampasin ang matitinding eksena sa "Gayuma" episode ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, bisitahin ang www.gmapinoytv.com.
Samantala, tingnan ang sexiest looks ni Max Collins sa gallery na ito: