Showbiz News

2022 Predictions: Rudy Baldwin, tinawag na year of disaster, success, at depression ang susunod na taon

By Racquel Quieta

Tatlong salita ang ginamit ng Pinoy psychic na si Rudy Baldwin para ilarawan ang taong 2022 sa kanyang vlog kung saan inihayag niya ang kanyang mga prediksyon. Ayon sa kanya, ang 2022 ay taon ng disaster, success, at depression.

Mga sakuna at aksidente

Isa raw 'di umano sa mga nakikita ni Rudy sa kanyang vision ay mga matitinding sakuna dulot ng hamon ng kalikasan.

“Ang taon ng 2022 ay taon ng disaster, na kung saan ang hamon ng kalikasan ay mas malakas. Kumbaga mas makapangyarihan sa pagkakataon na hindi mo inaasahan,” ani Rudy.

“Nakikita ko ang taong 2022 na halos ang pangyayari ay puro lindol…lindol na paulit-ulit. Pagputok ng bulkan ay nakita ko, lalo na sa ibang bansa,” dagdag pa niya.

Bukod sa mga ito, nakita rin daw ni Rudy na may malalakas na bagyong papasok sa bansa ngayon sa 2022.

“May dalawang bagyo na papasok sa bansa na maihahalintulad ko sa Bagyong Yolanda o higit pa,” saad ni Rudy.

Nakita pa nga raw niya sa kanyang vision na isa siya sa maaaksidente dahil sa gitna ng isang bagyo.

“Basta isang bagyo ito na isa ako sa mapapahamak. Hindi lang po kayo, kung hindi isa ako,” kuwento ni Rudy. “Nakita ko 'yung bandang braso ko nasabit sa isang kahoy na may pako.”

Ilan pa sa ibang mga sakuna na nakikita ni Rudy na mangyayari sa 2022 ay ang pagguho ng lupa, mga sunog, at aksidente sa karagatan at sa himpapawid, lalo na ang mga aksidente na dulot ng kalikasan.

“Hindi ko naman ito ipinanalangin na mangyari, pero siyempre tulungan ninyo ako manalangin. Kasi hindi ko rin naman kaya mag-isa po ito,” ani Rudy.

Rudy Baldwin tinawag na year of disaster, success, at depression ang 2022

Depresyon

May nakikita man raw tagumpay si Rudy, isa naman sa malungkot na nakikita niya sa kanyang vision ang pagdami ng taong made-depress, na posibleng maging dahilan din ng pagtaas ng kaso ng suicide.

“Hindi ko sinabi na ang taong 2022 ay masamang taon. May success eh, maganda ang pasok ng pera, pero 'yun nga lang, siya namang dami 'yung taong nade-depress,” sabi ni Rudy.

“So, hindi natin malalaman saan tayo lulugar eh. 'Pag walang pera, nade-depress. 'Pag may pera, nade-depress,” dagdag niya.

Eleksyon

Tungkol naman sa nalalapit na eleksyon ngayong 2022, hindi nagbigay ng prediksyon si Rudy kung sinu-sino ang posibleng mananalo, ngunit nakikita raw niyang magkakaroon ng magulong eleksyon.

Mga aksidente, krimen, at biglaang pagkamatay ng mga kandidato ang ilan sa naging prediksyon ni Rudy.

Maaari raw may magkapisikalan sa panahon ng eleksyon. May nakikita rin siyang mga masasawi dahil sa aksidente o sakit, at may krimen din daw mangyayari sa kapulisan at sa mga reporter.

“May nakita akong nagkasakitan. 'Yung isa naman, inatake sa sakit. Kailangan siguro ng mga kapulisan ng mahigpit na pagbabantay,” ani Rudy.

“Maging maingat lamang kasi sa vision ko, may nakita po akong mga kandidato po na biglaan po 'yung pagkasawi nila, bago mag-eleksyon o darating sa mismong araw ng eleksyon,” saad pa niya.

Showbiz

Sa mundo ng showbiz, magkahalong masaya at malungkot ang naging prediksyon ni Rudy.

Magkakaroon 'di umano ng unexpected weddings at mga magagandang oportunidad para sa ilang artista sa Hollywood o ibang Asian country.

“Maraming artista na makakapunta sa ibang bansa, parang niyaya sila para gumawa ng pelikula,” kuwento ni Rudy.

Gayunpaman, malungkot na sinabi ni Rudy na may ilang pagkasawi ng artista at vlogger na maaaring mangyari sa 2022.

May kilala at baguhang artista raw 'di umano na masasawi dahil sa aksidente o sakit.

“Meron isang kilalang tao pa…mga sa social media, sa showbiz…ikinakalungkot ko kasi sa vision ko, nasawi po siya. Hindi po niya kinaya ang depression,” ani Rudy.

“Itong pagkasawi niya is tulog (siya), pero alam po ng pamilya niya na stressed siya, depressed siya,” dagdag niya.

Mayroon din daw isang celebrity na maaaring masusunugan sa taong 2022.

Pandemya

Tahasan ding sinabi Rudy na hindi pa umano matatapos ang pandemya ngayong taon.

“Sa taon na darating at sa mga sumusunod pang taon, hindi pa matatapos talaga 'yung pandemya, to be honest,” sabi ng Pinoy psychic.

“Ako, direstahin ko na kayo, 'pag narinig n'yo sa balita na bumababa na siya, ayan na naman kayo, siksikan to the max, umpukan na naman. Wala na lahat. Wala na. Tataas na naman po tayo,” saad niya.

Ekonomiya at mga negosyo

Ayon kay Rudy, maganda ang magiging takbo ng ekonomiya dahil unti-unti na raw makakabawi ang ating bansa ngayong taon.

Ngunit nagbigay siya ng babala sa mga negosyo na may kinalaman sa pagkain at electronics na maaari raw makaranas ng sunog o pagnanakaw.

Posible rin daw magkaroon ng sunog sa mga spa at salon.

Pampasuwerte

Bukod sa kanyang mga prediksyon, inisa-isa rin ni Rudy ang mga pampasuwerte ngayong 2022.

Ang mga lucky colors daw para sa 2022 ay green, yellow, red, white, pink, at orange.

Sa pananamit naman ay suwerte raw ang pagsusuot ng mga damit na gawa sa silk.

“Para bang 'pag nagdamit ka ng ganun, mas mabilis mo makuha 'yung gusto mo,” ani Rudy.

Sa hair style naman, bob cut daw ang suwerte para sa mga babae.

Nakikita rin daw ni Rudy na bubuhayin ang style ng pananamit noong 1980s at 1970s sa social media ngayong 2022.

At payo rin ni Rudy na paramihin ang halaman sa bahay para maranasan ang katahimikan sa loob ng pamamahay.

Nagbigay din ng prediksyon para sa bawat zodiac sign si Rudy Baldwin sa kanyang vlog. Panoorin ito sa video sa ibaba.

Samantala, basahin ang mga New Year's resolutions para sa 2022 ng mga Kapuso stars sa gallery sa ibaba: