Showbiz News

Kuwentong 'Frogs' ng 'Unang Hirit' barkada matapos magpositibo sa COVID-19, alamin!

By Jimboy Napoles

Sa kasagsagan ng January 2022 COVID-19 surge, ilang celebrities din ang hindi nakaligtas na tamaan ng virus, kabilang na rito ang ilan sa mga Unang Hirit hosts na sina Lyn Ching-Pascual, Suzie Entrata-Abrera, Arnold Clavio, at Ivan Mayrina.

Matapos ang ilang linggo na home quarantine at paglaban sa virus, negatibo na sa COVID-19 ang mga nabanggit na morning show hosts.

Sa kanilang pagbabalik sa Unang Hirit studio, ibinahagi nila ang kanilang kuwentong "frogs" isang Gen Z term sa "palakas" o ang ginawa nilang pagpapalakas upang maka-recover sa sakit.

Ayon kay Lyn, parte ng kanyang road to recovery ay ang pagkain ng marami at masusustansya, pag-inom ng gamot, at pag-e-exercise.

Kuwento niya, "Siyempre nag-isolate agad ako, kumain ako ng marami but I tried to be healthy of course, mahalaga rin yung disiplina sa pag-inom ng gamot, vitamins, pagpapahinga, at nag-start din akong mag-exercise, magpapawis, matapos kong maramdaman na pwede na at kaya na ng katawan ko."

Para naman kay Suzie, sa kanya raw pagka-quarantine natutuhan ang talagang maayos na pagpapahinga.

Aniya, "Very thankful ako na manageable ang naging symptoms ko, in my quarantine period dito ko talaga natutunan na malaking bagay ang magpahinga ng husto. Grabe 'yung 12 hours na tulog ang sarap sa feeling."

Malaki rin ang pasasalamat ni Suize sa kanyang asawa na sumama sa kaniya para mag-isolate.

"Nagpapasalamat din ako na 'nung nag-isolate ako ay kasama ko ang aking asawa kasi feeling ko malo-lonely naman ako kung mag-isolate ako na mag-isa lang talaga, kaya siguro na-frogs [napalakas] ako," ani Suzie.

Dinala naman ni Ivan, ang kanyang indoor bicycle sa kanyang isolation room upang makapag-ehersisyo at magpagaling.

Kuwento ni Ivan, "Tulad sayo [Suzie Entrata] mild lang din yung naging symptoms ko. Sa fourthday ng isolation ko naramdaman ko na I was pretty strong enough, ayun nag-bike na ako, dinala ko talaga 'yung indoor bike ko 'nung nag-a-isolate na ako dahil alam kong kailangan ko talagang gumalaw."

Dagdag pa niya, "Tsaka yung silver lining sa quarantine na ito is it was a good opportunity to really rest."

Masaya namang ikinuwento ni "Igan" o ni Arnold na mas na-appreciate niya raw ang sunrise simula nang mag-quarantine dahil hindi niya raw ito madalas makita dahil sa aga ng call time sa Unang Hirit studio.

"Sa naging quarantine period ko, maganda pala ang sunrise a, na hindi ko nakikita 'yan dahil nag-u-unang hirit tayo. Siyempre nandyan 'yung pagkain ng masustansya, orange. Aba, nami-miss ko ang pag-inom ng tea."

Nagpaalala rin si Arnold patungkol sa kahalagahan ng body temperature at oxygen monitoring.

Aniya, "Panay din ang pagmomonitor ko ng oxygen level at body temperature kasi 'yun daw ang pinakamahalaga dahil hindi mo nakikita at hindi mo nararamdaman 'yan e."


Panoorin ang buong kuwento ng road to COVID-19 recovery ng Unang Hirit hosts, DITO:

Mapapanood ang Unang Hirit, Lunes hanggang Biyernes mula 5:30 hanggang 8:00 ng umaga sa GMA.

Samantala, narito naman ang pamilya ng ilang sikat na celebrities na nagpositibo sa COVID-19: