
Nasa #1 at #3 spots sa list of trending topics sa Twitter ang hashtags na #ForwARdDocuConcert at #ALDENxForwARd PowerofPurpose nang irelease online ang "ForwARd: Meet Richard R. Faulkerson, Jr.," ang pinaka-aabangang docu-concert ni Alden Richards, ngayong Jan. 30.
Hindi kagulat-gulat na nakagawa ito ng ingay sa social media dahil kahit noon pa man ay matagal na itong pinag-uusapan at inaabangan. Sa katunayan, nag-sold out pa ang tickets nito noong Jan. 15.
Ang "ForwARd" ay di basta-basta musical concert lamang. Sa ilalim ng direksyon ni Direk Frank Lloyd Mamaril, ito ay part-documentary na magbibigay ng chance sa viewers na makilalang mabuti ang aktor bago pa nito makamit ang kasikatan sa showbiz.
Sa isang nakaraang interbyu, nabanggit ng Asia's Multimedia Star na sa pamamagitan ng docu-concert ay nais niyang iparating sa kanyang audience na hindi nagkakalayo ang showbiz persona na si "Alden Richards" at ang kanyang totoong pagkatao na si Richard Reyes Faulkerson Jr. (Alden's real name).
"And I don't want to create a stigma that Alden is different from Richard because they are exactly the same person but siguro mayroon lang silang little differences. But in reality, they are one person and both of these persons are very grateful to one another.
"Kasi kung wala 'yung isa, the whole thing, the whole being in the showbiz industry, won't work for me, for Alden.
"I don't want to create a stigma na magkaiba silang tao. Isa lang po sila and ang motivation nila and ang goal nila is to go forward."
Para sa mga hindi nakakaalam, ang "ForwARd" concert ay isang "purpose concert" na layon ay makalikom ng dagdag pangtustos ng deserving scholars ng AR Foundation.
Sa kasalukuyan, nakapagpatapos na si Alden ng dalawang scholars mula sa kolehiyo. Sa kanyang nagdaang panayam sa 24 Oras, inamin ng aktor na di niya inasahan na marami-rami na rin pala ang natutulungan ng AR Foundation.
"'Yung scholars ko pala, without me knowing it na last year ko lang din nalaman, na meron na pala akong na-accumulate na 14 scholars through time.
Dagdag pa ni Alden, "Nung in-accumulate namin siya, doon ko na-realize na ang dami na pala nila and surprisingly, meron ng dalawang college graduate doon."