Showbiz News

Hannah Precillas, may international plans na naudlot dahil sa pandemic?

By Bianca Geli

Patuloy man ang tagumpay at career ng Kapuso OST Princess na si Hannah Precillas, mas marami pa sana siyang naabot kung hindi lang nagkaroon ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang nasa kasagsagan si Hannah ng pag-usbong ng kanyang international career matapos niyang masungkit ang third place sa Dangdut Academy Asia 5.

Balak pa sanang bumalik ni Hannah ng Indonesia, ngunit naging hadlang ang pandemya na sumabay sa pagbabalik niya sana sa ibang bansa.

Kuwento ni Hannah sa GMANetwork.com, may mga plano siyang na-delay dahil sa mga naging travel ban noong nagumpisa ang pandemya.

Aniya, "Isa doon is bumalik ng Indonesia, kasi though hindi pa super sure nung time na 'yun pinaguusapan pa lang naman, pero nakita ko rin sa kanila na gustong gusto nilang makabalik ako doon.

"Nakabalik ako nung January 2020 para sa anniversary ng isang network. May mga naririnig pa rin ako na 'What if ganito, papayag ka ba? May plan kami.'"

Dagdag ni Hannah, "May isa pang composer na lumapit sa akin, sabi, 'Gagawa ako ng kanta for you. Kung babalik ka rito, gagawin natin.'

"Feeling ko isa 'yun sa mga naging hadlang sa pag balik ko sa Indonesia--'yung pandemic," saad ni Hannah.

Gayunpaman, bukas ang loob ni Hannah kung sakaling may pagkakataon muling makabalik sa ibang bansa para sa pagkanta. "Sana kapag okey na ang lahat nandoon pa rin 'yung plano na 'yun. At puwede pa akong makabalik."

Nagbabalik din si Hannah sa pagiging recording artist, matapos ang unang EP niyang Hannah Precillas Sessions noong 2021, may bagong handog si Hannah ngayong 2022, ang upcoming single niyang "Sadly Falling" sa ilalim ng GMA Music.

Kuwento ni Hannah, "This is written and composed Direk Njel de Mesa, na-meet ko siya nung 2020.

"After noon lagi na kami nag-ba-bond. Pinarinig niya sa akin itong song na 'Sadly Falling.'

"Hindi ako brokenhearted nung time na 'yun, pero sabi ko kay Direk napakaganda nung kanta.

"Itong 'Sadly Falling' na super nakaka-relate na ako sa song.

"Unintentional na bumagay 'yung kuwento ng song sa pinagdadaanan ko."

Abangan ang release ng "Sadly Falling" ngayong March 25 under GMA Music.

Kilalanin si Hannah Precillas bilang Kapuso OST Princess: