Showbiz News

Beteranang aktres na si Luz Fernandez, pumanaw na

By Ron Lim

Pumanaw na kahapon, ika-5 ng Marso, ang betaranang aktres na si Luz Fernandez sa edad na 86.

Dekada ang itinagal ng career niya sa local showbiz. Noong 1950s ay parte siya ng mga radio dramas ng DZRH, kung saan una niyang ginampanan ang papel ni Lola Basyang. Nakilala rin siya sa papel niya bilang si Luka, Reyna ng Kadiliman sa Okay Ka, Fairy Ko.

Nitong mga nakaraang taon naman ay nakilala siya ng mga bagong henerasyon dahil sa mga palabas sa GMA na naging parte siya, tulad ng Pepito Manaloto kung saan gumanap siyang Lola Yolanda, Kambal Karibal kung saan gumanap siya bilang si Magda, at sa Amaya bilang si Gawas.

Muli rin niyang binalikan ang karakter na Lola Basyang noon 2015 sa Tatlong Kuwento ni Lola Basyang ng Ballet Manila.

Ayon sa isang interview niya para sa Tatlong Kuwento ni Lola Basyang, halos 30 na magkakaibang radio drama ang kaniyang ginagawa noon para sa Manila Broadcasting Company. Noong kabataan niya ay gumanap din sa 13 mga dula ni Wilfrido Ma. Guerrero.

Huli siyang napanood sa And I Thank You ni Ai-Ai Delas Alas noong 2019.

Nakahimlay ngayon sa Sapphire 1 ng Loyola Memorial Chapels sa Marikina City ang kanyang mga labi, na nakatakdang ilibing sa Miyerkules, March 9, 2022.

Samantala, tingnan sa gallery na ito ang ilan sa mga namayapang celebrities noong 2021.