
Isa ang OPM band na Ben&Ben sa mga Filipino artists na nagpasaya ng libo-libong mga tao sa Dubai kabilang na ang maraming OFWs na dumalo sa Expo 2020 Dubai kamakailan.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng banda ang ilang larawan nila habang nasa Jubilee stage sa Dubai. Ito ang kauna-unahan nilang live performance simula nang magkaroon ng pandemya.
"DUBAI. OUR FIRST FULL LIVE SHOW SINCE 2020," saad sa kanilang post.
Nagpasalamat din ang banda sa mahigit 16,000 tao na nanood ng kanilang performance.
Anila, "We'll always remember you. Thank you for being with us tonight!! 16,000+ people grabe!!! Mahal na mahal namin kayo! See you again soon!."
Enero pa dapat ang nakatakdang pagbisita ng banda sa Dubai, UAE, ngunit naantala ito nang magpositibo sa COVID-19 ang ilan sa kanilang miyembro.
Ang Ben&Ben ay ang banda sa likod ng mga sikat na awitin na "Kathang Isip", "Ride Home", "Leaves", "Pagtingin", at "Lifetime."
Samantala, ibinahagi naman online ng vocalist at guitarist ng OPM band na si Paolo Benjamin Guico ang kanyang naging weight loss journey sa loob ng dalawang taon. Makikita sa mga larawan na kanyang ipinost ang malaking pagbabago sa kanyang timbang.
Mas kilalanin naman ang indie folk pop band na Ben&Ben sa gallery na ito: