Showbiz News

'The Herbal Master,' malapit nang mapanood sa GMA!

By Dianne Mariano

Malapit nang mapanood sa GMA ang Thai romantic-comedy series na The Herbal Master na tiyak na maghahatid ng kilig at tuwa sa mga manonood tuwing umaga.

Pinagbibidahan ito ng mahuhusay na Thai stars na sina Mario Maurer (Tonio), Kimberly Anne Woltemas (Chaba), Pat Napapa Thantrakul (Chona), In Sarin Ronnakiat (Primo), Tita Chayanit Chayjaroen (Kitty), Punjan Kawin Imanothai (Carlo), at Namwhan Phulita Supinchompoo (Pearl).

Sa katunayan, nakatanggap ng parangal si Mario para sa seryeng ito, ang Best Comedy Performance, at Best Actor in a Leading Role mula sa 2020 TV Gold Awards.

Ang The Herbal Master ay tungkol sa lalaking si Tonio na nasa pangangalaga ng kanyang lolo na si Thong In, isang tradisyunal na manggagamot. Nang dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari sa mga pasyente nito, hindi pinapayagan ni Thong In ang kanyang apo na maging isang manggagamot katulad niya.

Sa kabila nito, nananaig pa rin sa puso ni Tonio ang paggagamot sa mga tao sa pamamagitan ng tradisyunal na medisina.

Makikilala naman ni Tonio ang beautiful at fearless na si Chaba. Unang pagkikita pa lamang ay tila aso't pusa ang dalawa sa tindi ng kanilang asaran. Matapos makilala ang lolo ni Tonio, naging interesado si Chaba sa tradisyunal na panggagamot at nais matuto nito.

Dahil dito, si Tonio ang magsisilbing tagapagturo ni Chaba ngunit patuloy pa rin ang kanilang kaliwa't kanan na asaran at 'di pagkakaunawaan. Mayroong kayang mabuo na pagmamahalan sa pagitan nina Tonio at Chaba?

Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na tagpo sa The Herbal Master ngayong Abril sa GMA.