Showbiz News

I Hear Your Voice: Ang simula ng koneksiyon | Week 1 recap

By Ron Lim

Sa unang linggo ng I Hear Your Voice, nakilala natin sila Zach, Hayley, Robert, at Doreen.

Lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kaklase, may kakayahang magbasa ng isip si Zach. Ang katangian ito ay malaking tulong sa mga sitwasyon tulad ng pagpalag sa pambu-bully ng isang kaklase, dahil nalalaman niya ang plano nitong gawin bago pa man ito mangyari. Pero ang kapangyarihan ito ay may mataas na kapalit, dahil nagsimula lamang ito nung naging parte siya ng aksidente na ikinamatay ng kaniyang ama.

Samantala, si Hayley naman ay namomroblema sa kaniyang pag-apply sa trabaho ng pagiging public defender. Nang maharap siya sa panel of interviewers ay wala na siyang maisip na sagot dahil nasabi na ng mga nauna sa kaniya, napilitan siyang magpakatotoo at aminin na kaya siya naga-apply at dahil kailangan niya ng pera.


Lingid sa kaalaman ni Hayley, mayroon silang nakaraan ni Zach. Siya ang special witness sa kasong kinasasangkutan ni Zach at ng kaniyang ama. Dahil sa kaniyang pag-testigo at pagbigay ng mga larawan sa pagpatay ng ama ni Zach ay napakulong ang isang mamatay-tao, ngunit ang buhay naman niya ngayon ang nasa panganib.


Simula noon ay hinanap na ni Zach si Hayley. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa ginawang pag-testigo ni Hayley ay nangako si Zach na siyang ang magpo-protekta kay Hayley kapag nakawala ang kriminal na pumatay sa kaniyang ama at nagbanta sa buhay ni Hayley.

Ngayong parehong nagtra-trabaho bilang public defender si Hayley at Robert, hirap na magkasundo ang dalawa. Mas lalo pang nahirapan si Robert na makuha ang loob ni Hayley pagkatapos mapahiya ito sa harap ng kanilang bagong boss dahil sa kakulitan niya.


Sa unang araw niya sa trabaho ay agad ipinakita ni Hayley ang pagkakaiba niya kay Robert. Prangka at diretso nitong kinausap ang isang kliyente na inaakusahang tumulak sa kaklaseng ngayon ay nasa isang coma na.


Ngayong isa na siyang public defender, muling na-encounter ni Hayley si Doreen, ang kaniyang dating kaibigan na nakita rin ang nangyari kay Zach at sa ama nito. Kung public defender si Hayley, si Doreen naman ay isang prosecutor. Sa 'di inaasahang pagkakataon ay si Doreen ang makakaharap ni Hayley na prosecutor sa kasong hawak niya.


Dahil sa kakulangan ng ebidensiya para mapatunayan na inosente ang kaniyang kliyente ay ipinipilit ni Hayley na sabihin na lamang nito na guilty siya. Hindi ito matanggap ni Zach, kung kaya napilitan siyang ipakita kay Hayley ang kakayahan niyang magbasa ng mga isip ng tao.

Patuloy na subaybayan ang I Hear Your Voice, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.