
Isa sa maituturing na batikan na sa showbiz ang aktor na si Joey Marquez. Mahigit tatlong dekada na rin siyang nagbibigay saya at inspirasyon sa telebisyon.
Sa interview sa GMANetwork.com, inilahad ni Joey na kahit matagal na siya sa industriya ay marami pa rin siyang bagong natututunan sa mga batang aktor ngayon tulad nina Kylie Padilla, Rayver Cruz, at Jak Roberto, na co-stars niya sa bagong Kapuso serye na Bolera.
Aniya, "Marami rin akong nakatrabaho na medyo bagets na minsan nakakapagtaka kasi hindi nila inaalagaan 'yung career nila at saka iba 'yung attitude.
"Pero 'yung mga batang ito, [sina] Jak, Kylie, 'yung mga batang narito napakamagalang. Alam nila kung ano ang dapat gawin nila at tsaka hindi sila nagpapaimportante. Iyon 'yung pinakamaganda--mabait, magalang, masipag, at seryoso sa ginagawa nila."
Ayon kay Joey, isang magandang ehemplo para sa mga kabataan ngayon ang ipinapakitang dedikasyon nina Kylie, Rayver, at Jak sa kanilang propesyon.
"Sa katunayan n'yan pinagmamasdan ko nga sila talagang nilalagay nila 'yung sarili nila roon sa role kung saan napakagandang ehemplo 'yan para sa mga kabataan. Ganun na rin sa paggalang sa mga kaunting nakatatanda sa kanila," dagdag ni Joey.
"Madaling katrabaho. Kahit medyo matagal na ako sa industriya marami pa akong nakikita sa kanila na natututunan ko na galing sa mga kabataan."
Mapapanood si Joey sa Bolera bilang si Freddie Roldan, ang magsisilbing mentor ni Joni (Kylie) sa billiards.
Makakasama rin niya sa serye sina Jaclyn Jose, Gardo Versoza, Al Tantay, at David Remo.
Abangan ang Bolera soon sa GMA Telebabad.
Samantala, tingnan ang ilang mga larawang kuha sa set ng Bolera kasama sina Efren Reyes, Francisco Bustamante, Rubilen Amit, at Johann Chua sa gallery na ito: