Showbiz News

Dagul, emosyonal na ikinuwento ang mga pinagdadaanan sa buhay

By EJ Chua

Naging emosyonal si Romeo Pastrana o mas kilala bilang si Dagul habang ibinabahagi niya ang kasalukuyang estado sa buhay.

Sa latest episode ng GMA's most-watched magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), ikinuwento ni Dagul ang kasalukuyang pamumuhay sa gitna ng pandemya.

Kung noon ay kilala si Dagul bilang isa sa mga source of happiness ng napakaraming Pinoy, ngayon ay tila isa na siya sa kailangang pasayahin sa dami nang problemang kinakaharap niya at ng kaniyang pamilya.

Isa si Dagul sa Filipino showbiz personalities na nawalan ng trabaho at labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Dahil dito, nagsimulang magtrabaho ang komedyante bilang head ng command center sa kanilang barangay hall at kumikita lamang ng kaunting halaga.

Pagbabahagi ni Dagul, “Tumakbo akong konsehal. Hindi naman ako pinalad. Walang kumukuha [sa akin], kaya ano lang muna, raket-raket. Sabi ko sikat ka naman noon, lumubog ka ngayon. Ang showbiz, weather-weather lang.”

Ayon pa sa komedyante, kadalasan ay gumagamit na siya ng wheelchair o kaya naman ay binubuhat na siya ng kaniyang anak para lang makarating sa trabaho.

“Siguro hindi na kaya ng bigat ng katawan ko, out [of] balance talaga. Kumbaga sa kandila parang nauupos na,” kuwento ni Dagul.

Matapos mailahad ang mga kasalukuyang pinagdadaanan, ilang mga kaibigan ni Dagul ang nangakong tutulong sa kaniya upang muli siyang makabangon at maayos na makapagpatuloy sa buhay.

Panoorin ang kuwento ng buhay ni Dagul sa KMJS video sa ibaba:

Samantala, balikan ang mga istorya ng KMJS na nagpangiti sa ating lahat: