Showbiz News

Herlene Budol among the potential candidates of Bb. Pilipinas 2022

By Jansen Ramos

Labis ang paghahanda ng komedyanteng si Herlene "Hipon Girl" Budol para sa kaniyang pagsali sa Bb. Pilipinas 2022.

Inamin niya sa kaniyang Facebook page na mag-o-audition siya para sa prestihiyosong beauty pageant sa huling araw ng screening nito sa Biyernes, April 8.

Kung papalarin mang makapasa, ang Bb. Pilipinas ang kauna-unahang national beauty pageant na sasalihan ni Herlene.

Kasalukuyang nagte-training ang actress/vlogger sa beauty camp na Kagandahang Flores ng beauty pageant mentor at events organizer na si Rodgil Flores.

Ang mga titulong Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Grand International, Bb. Pilipinas Intercontinental, at Bb. Pilipinas Globe ang mga paglalabanan sa edition ng Binibining Pilipinas ngayong taon. Ang mga mapalad na kandidata na magwawagi sa kompetisyon ay magiging kinatawan ng bansa sa international counterpart ng mga nasabing pageant.

Marami ang sumusuporta sa pagsabak ni Hipon Girl sa major beauty pageant pero may ilan din ang hindi tiwala sa kaniya lalo na pagdating sa Q and A.

Aminado naman siyang hindi siya kagalingan sa pagsasalita ng Ingles kaya sa ito sa mga pinag-aaralan niya.

Aniya, "Sana pumasa ako sa audition at suportahan n'yo pa din ako kung ano lang kaya ni Hipon ah.

"Salamat sa aking KF family specially kay Tito @rodinb.flores at willing po ako mag undergo training! Wala naman mawawala kung subukan natin di ba mga solidong KaSquammy?

"i will give my best hangga't may taong naniniwala sa akin tulad ni Manager Wilbert Tolentino at gusto ko maging proud [siya] sa akin. Dahil [siya rin] nag-hikayat at nag-motivate sa akin at ciempre gusto ko din magkaron ng improvement on my own!"

Hindi na bago kay Herlene ang pagsali sa mga beauty pageant.

Sa katunayan, nagwagi siyang Binibining Angono noong 2017 at nanalo rin sa ilang swimsuit competitions.

Ang seksi na pangangatawan ang bentahe ng dating Wowowin contestant kaya naman proud niyang ipinakita ang kaniyang bikini body para sa swimsuit category ng Bb. Pilipinas 2022.

Ipinasilip din niya ang iba't iba niyang look.

Ayon kay Herlene, motivated siyang mapasama sa opisyal na listahan ng mga kandidata ng Bb. Pilipinas 2022 para rin ma-boost pa lalo ang kaniyang confidence.

Bahagi niya, "Walang pagod at suko akong maramdaman! basta tiwala ako kay lord at well motivated ako matuto sa lahat ng bagay pinag kaloob sa akin sa itaas!

"First time ko eto sasali ng national pageant sana isama n'yo ako sa mga prayers nyo mga KaHipon, KaBudol at KaSquammy! Pagmamahal at supporta n'yo palang ay malaking bagay para sa akin. Love [you] all."

Bago pa man makita si Herlene sa beauty pageant scene, mapapanood muna siya sa upcoming GMA fantasy rom-com series na False Positive.

Gaganap siyang personification ng folklore character na si Maganda na katambal ni Malakas, na gagampanan naman ng kapwa niya comedian na si Buboy Villar.

Mula sa pagiging Wowowin contestant, tingnan ang beautiful transformation ni Herlene sa gallery na ito: