Showbiz News

Kris Bernal buong buwan ng Hulyo bibida sa Maynila


Tuwing Sabado ng buwan ng Hulyo, itatampok ng weekend series na Maynila ang isa sa mga pinakasikat na aktres ng Kapuso network, si Kris Bernal.
 
Ngayong Sabado (Hulyo 6), makakasama ni Kris si Carl Guevarra sa episode na pinamagatang Kambal na Pag-ibig. Gagampanan ni Kris ang karakter ni Bunny, isang nurse na makikilala at makakatrabaho ang ex-boyfriend ng kakambal niya na si Carl (Carl Guevarra). Hindi malaman ni Bunny kung bakit laging galit at mainit ang ulo sa kanya ni Carl. Magugulat na lamang si Bunny nang malamang si Carl pala ang ex-boyfriend ng kanyang twin sister na si Belinda na pumasok sa kumbento para mag-madre.
 
Upang makaiwas sa gulo, iisipin ni Bunny na magresign na lamang. Ngunit sa kanyang pag-alis, mapapatunayan ni Carl na hindi pala inis, galit, o kung ano pa man ang nararamdaman niya kay Bunny. Muling sisibol ang pag-ibig sa sugatan niyang puso sa katauhan ni Bunny.
 
May magandang kahihinatnan nga ba ang pag-ibig ni Carl kay Bunny? O mabibigo ulit siya sa pangalawang pagkakataon?
 
Siguradong kikiligin ngayong Sabado sa Kambal na Pag-ibig episode ng Maynila na mapapanood tuwing Sabado ng umaga pagkatapos ng Sarap Diva sa GMA.