Showbiz News

I Hear Your Voice: Mga namumuong balak | Week 3 recap

Sa pangatlong linggo ng I Hear Your Voice, muling sasabak sa isang labanan sa korte si Hayley at Doreen. Mapipilitan si Zach na harapin ang kaniyang nararamdaman para kay Hayley, habang si Matias naman ay may maitim na balak para kay Hayley.

Pagkatapos panandaliang makulong dahil sa pag-atake niya kay Matias, nakalabas si Zach. Salamat sa tulog ni Hayley, na nagpanggap bilang tumatayo niyang ate. Dala na rin sa pamimilit ng mga pulis ay sinabi ni Hayley kung bakit ganoon na lang ang galit ni Zach laban kay Matias, at nangako ang mga ito na ipagpapatuloy ang pag-patrol sa neighborhood ni Hayley.


Muli na namang maghaharap si Hayley at Doreen sa korte. Pero bago pa man magsimula ang pagdinig sa kaso ay nagsusukatan na ang dalawa. Habang nanananghalian, nagpalitan ng mga salita ang dalawa tungkol sa kasong kanilang hinahawakan--ang isang robbery-homicide na may sangkot na identical twins.

Hindi na mapigilan ni Sophie ang sarili at inamin ang kaniyang tunay na nararamdaman para kay Zach, kahit alam niya na walang nararamdaman ang lalaki para sa kaniya. Kung si Sophie ay nagkaroon na ng lakas ng loob na aminin ang kaniyang nararamdaman, si Zach naman ay ayaw pa ring tanggapin na may nararamdaman siya para kay Hayley, kahit na nagselos siya ng makita niya itong kasama si Robert.

Si Matias naman ay matagumpay na nalinlang ang kapulisan tungkol sa kaniyang mga pakay. Napaniwala niya ang mga ito na lalayuan na niya si Zach, ngunit ang katotohanan ay may masama itong binbalak laban sa nanay ni Hayley. Gayunpaman, hindi pa rin siya pinagkakatiwalaan ni Zach, kahit na sinabihan na sila ng mga pulis na wala na si Matias sa lugar.

Muli na namang nanalo si Hayley laban kay Doreen sa kasong hawak nito, pero sa pagkakataon na ito ay tunay naman talagang may sala ang identical twins. Hindi matanggap ni Zach na hahayaan lang ni Hayley na makawala ang dalawa, na siya namang nag-udyok kay Hayley na tawagin siyang pabigat. Pero sa huli, nagawa rin aminin ni Hayley na nagkamali siya.

Dahil sa kagustuhang maitama ang kaniyang pagkakamali sa kaso ng identical twins, sinisikap ni Hayley na makahanap ng ebidensiya para maipakulong ang dalawa. Pero nagdadalawang-isip pa siya kung makikipagtulungan kay Doreen. Mabuti na laman at si Zach na ang gumawa ng paraan upang magkita ang dalawa at mapag-usapan kun ano ang kanilang dapat gawin.

Sa muling pagdinig ng kaso ng identical twins ay matagumpay na namanipula ni Hayley ang dalawa upang mapaamin ang mga ito na planado ang nangyaring robbery-homicide sa convenience store, kung kaya nahatulang guilty ang dalawa. Gayunpaman, nabuhusan ng malamig na tubig ang kasiyahan ni Hayley sa kaniyang tagumpay dahil sa posibilidad na may mas malalim na rason ang robbery-homicide na ginawa ng identical twins.

Makikipagkita dapat si Hayley kay Robert ngunit bigla siyang nabahala nang makatanggap ng tawag mula sa mga pulis na pinagsususpetsahan si Zach na kumuha ng baril nila upang patayin si Matias. Dali-daling umuwi si Hayley upang masiguro na wala nga kay Zach ang baril, pero naabutan na siya ng mga pulis bago pa magawa ito. Mabuti na lamang at inamin ng kapulisan na nasa kotse lang pala nila ang baril na akala nila'y kinuha ni Zach.


Patuloy na subaybayan ang I Hear Your Voice, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.