Showbiz News

Dilek Montemayor, gustong sumabak sa drama series o fantaserye

By Dianne Mariano

Ibinahagi ni newbie Sparkle artist Dilek Montemayor na nais niyang magkaroon ng role sa drama o fantasy series.

Kabilang si Dilek sa 17 young and fresh faces ng Sparkada, ang pinakabagong barkada ng Kapuso Network.

Pagbabahagi ng Filipina-Turkish beauty sa ginanap na media conference noong April 19, “Ako kasi 'yung taong I love learning new things. So, personality-wise, open po ako sa mga challenges also sa mga comments, feedbacks para continuous po lagi 'yung pag-grow at pag-improve ng sarili.”

Ayon pa kay Dilek, nais niyang sumabak sa isang teleserye dahil mahilig siya sa pag-arte at bukas sa kahit anong roles sa drama o fantaserye.

Aniya, “Any role naman po, pero s'yempre gusto ko lead roles. Any roles po open ako, drama or fantasy like Encantadia, 'yung mga gano'n po.”

Bukod dito, masayang-masaya rin si Dilek nang mapabilang sa Sparkada, na handpicked ng renowned star maker na si Johnny “Mr. M” Manahan.

“Ako po sobrang saya, sobrang thankful kasi nagtiwala po sila sa akin and mas lalo po akong na-inspire. And for that, grateful po talaga ako sa buong Sparkle GMA Artist Center,” wika niya.

Kasama ni Dilek sa Sparkada sina Saviour Ramos, Roxie Smith, Jeff Moses, Caitlyn Stave, Kim Perez, Vanessa Peña, Anjay Anson, Tanya Ramos, Larkin Castor, Kirsten Gonzales, Vince Maristela, Lauren King, Michael Sager, Cheska Fausto, Raheel Bhyria, at Sean Lucas.

Mas kilalanin pa ang bawat miyembro ng Sparkada sa gallery na ito.