Showbiz News

Marian Rivera naging mentor ni Dingdong Dantes sa bago nilang primetime sitcom

By Aedrianne Acar

Usap-usapan na ang pagbabalik sa primetime ng Kapuso primetime couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera via their highly-anticipated sitcom na Jose and Maria's Bonggang Villa.

Eksklusibong nakapanayam ng 24 Oras ang mag-asawa na kilala sa tawag na DongYan, sa idinaos na story conference noong nakaraang buwan. Dito sinabi ng Kapuso Primetime Queen na dapat nilang abangan ang hirit at punchlines ng kaniyang mister.

Pagbibida ni Marian “Ayun ang kailangan nilang abangan, kung paano sila mapapatawa ng asawa ko.”

Sabay biro nito, “Binigyan ng pressure.”

Ayon naman kay Dong, lagi naman nakaagapay si Marian na nagsisilbi niyang mentor, “Basta sabi niya, siya 'yung ano ko mentor. Basta, just be yourself.”

Hindi ito ang first sitcom ni Marian, dahil dati na niya tayong pinatawa sa comedy program na Show Me Da Manny (2009).

Marami rin daw makaka-relate na couple sa karakter nilang mag-asawa na si Jose at Maria. Paliwanag ng multi-awarded actor, “Maraming mga Jose at Maria--real couples out there, kasi siyempre very-very Filipino 'yung pinagmulan ng pangalan and 'yung inspirasyon namin ay sila.”

Tinuturing naman na “dream come true” ni Marian Rivera ang kanilang sitcom na matagal na niya gusto gawin with Dingdong.

“Ito 'yun talagang dream ko na project na kasama ko siya. Gusto ko makita ng tao kung paano 'yung mga timing niya sa comedy sa bahay. So, makikita na nila.”

Idi-direk ni John “Sweet” Lapus ang primetime sitcom na ito, kung saan bibida rin sina Shamaine Buencamino, Johnny Revilla, Pinky Amador, at Benjie Paras.

Maghahatid din ng good vibes sina Pekto, Loujude, Hershey Neri, at Sparkle sweethearts na sina Jamir Zabarte at Zonia Mejia.

Taos-puso naman ang pasasalamat ni Dingdong sa mga ka-partner nila with this big project na GMA Network at APT Entertainment.

Saad niya, “Nag-umpisa kasi siya sa isang home project. Grateful kami na because of the trust of GMA-7 and because of APT Entertainment mas lumago, mas lumaki nagkaroon ng ibang concept and Jose and Maria's.”

May pangako naman si Marian sa cast nila na tinuturing na rin nilang pamilya. Aniya, “Very excited ako, 10 years kami hindi nagkasama with Direk Sweet pa. Aalagaan natin ang isa't isa, enjoyin natin 'to.”

Heto ang pasilip sa ilan sa behind-the-scenes para sa much-awaited sitcom na Jose and Maria's Bonggang Villa sa gallery na ito.