Showbiz News

Matt Lozano, isinulat ang bagong single na 'Kwarto' noong nakikipaglaban sa COVID-19

By Aimee Anoc

Inilabas na ni Matt Lozano noong May 20 ang studio version ng pinakabagong kanta sa ilalim ng GMA Music, ang "Kwarto," na agad na napasama sa New Music Friday playlist ng Spotify Philippines.

Sa isang press interview, ikinuwento ni Matt na isinulat niya ang "Kwarto" noong panahong nakikipaglaban siya sa COVID-19.


Taong 2020 nang tamaan ng COVID-19 si Matt at ang buo niyang pamilya. Aniya, "Actually noong ginawa ko kasi itong kantang ito may COVID ako. Noong time na 'yun 2020 wala pa masyadong alam ang tao sa COVID so medyo depressed ako and nagkakaroon ako ng anxiety."

Dagdag ni Matt, "Noong isinulat ko itong 'Kwarto,' napakapangit ng experience kasi feeling ko nagkakaroon ng discrimination lahat ng tao kasi nga kaunti pa lang 'yung kaalaman sa COVID.

"Kapag nagkaroon ka ng COVID [noon], parang pakiramdam [m] na pandidirihan ka ng mga tao kasi mayroon kang sakit na ganito na hindi naman alam ng lahat. Napakapangit sa feeling kasi lahat kami sa family tinamaan noong time na 'yun and malala 'yung symptoms namin."

Ayon kay Matt, inabot ng halos isang linggo bago niya matapos ang "Kwarto."

"Love story itong kantang ito. Pero pinipilit kong i-push 'yung mahal ko kahit hindi naman ako mahal," paglalarawan ng singer-actor sa bago niyang kanta.

Sa interview, ibinahagi rin ni Matt kung paano makaka-relate ang mga tagapakinig sa bago niyang kanta.

"Sa tingin ko makaka-relate 'yung listeners sa kantang ito kasi halos lahat naman ng tao pinagdaraanan itong dark moment ng relationship nila. It's just a reminder sa mga tao na hindi naman porke't hindi ka mahal nung tao na mahal mo, katapusan na ng mundo."

Patuloy na mapakikinggan ang "Kwarto" sa digital music platforms worldwide.

Samantala, mas kilalanin pa si Kapuso singer-actor Matt Lozano sa gallery na ito: