Showbiz News

Alden Richards, bakit nga ba pinasok ang mundo ng showbiz?

By EJ Chua

Isa si Alden Richards sa Kapuso stars na nasalang sa showbiz online show na 'Updated with Nelson Canlas Podcast.'

Sa naging panayam ni Nelson Canlas kay Alden, ilang makabuluhang kuwento ang kaniyang ibinahagi upang mas makilala pa siya ng kaniyang fans at ng mas marami pang Kapuso.

Sa kabila ng pagiging tanyag ng kaniyang pangalan ngayon sa entertainment industry, isang nakaaantig na istorya pala ang nasa likod ng kaniyang tinatamasang kasikatan at tagumpay.

Bukod sa minamahal siya ngayon ng napakaraming Filipino viewers dahil sa kaniyang good looks at acting skills, tila mas dumami pa ang kaniyang tagahanga nang marinig nila ang dahilan kung bakit pumasok si Alden sa mundo ng show business.

Pagbabahagi ng Start-Up Ph actor, “Need na siya, wala pa 'yung passion doon na gusto kong maging aktor, gusto kong maka-inspire ng maraming tao nung time na 'yun. It's just about the money. Kasi nga when my mom passed away, my dad had to quit and resign from his job to get the separation pay, to pay the funeral and sa kung anu-ano pang mga gastos that time."

Kasunod nito, inamin naman ni Alden ang ilang rebelasyon tungkol sa kaniyang "The One That Got Away" o TOTGA.

Panoorin ang buong detalye sa naging interview kay Alden Richards sa report na ito:

Kasalukuyang abala ngayon si Alden sa taping para sa nalalapit na pagpapalabas ng Philippine adaptation ng Korean series na Start-Up sa GMA Telebabad, kung saan mapapanood siya ng mga Kapuso bilang si Tristan “Good Boy” Hernandez.

Samantala, tingnan ang career highlights ni Alden Richards sa gallery na ito.