
Nailibing na ang mga labi ng tinaguriang 'Reyna ng Pelikulang Pilipino' na si Susan Roces sa Manila North Cemetery, bago mag tanghali ngayong Huwebes, May 26.
Itinabi ang mga labi ng namayapang batikang aktres sa himlayan ng kanyang asawa na si Fernando Poe Jr.
Bago ang libing, nagkaroon muna ng misa at last viewing sa Heritage Memorial Park sa Taguig City kasama ang pamilya at malalapit na kaibigan.
Pinangunahan naman ni Sen. Grace Poe ang paghahatid sa huling hantungan ng kanyang ina.
Ayon sa Facebook post ng senadora, "Lagi kang mananatili sa aming puso at isipan. Mahal na mahal kita, Mama. Yakapin mo si Papa nang mahigpit para sa akin."
Sa mga huling gabi ng lamay ng mga labi ng yumaong batikang aktres, dumalo ang kanyang mga matalik na kaibigan kabilang na sina Eddie Gutierrez at Boots Anson Roa.
Pumanaw si Ms. Susan Roces sa edad na 80. Balikan ang kaniyang mga ala-ala sa gallery na ito: