Showbiz News

Jeric Gonzales, kinilala bilang Best Actor sa Tagore International Film Festival

By EJ Chua

Kasunod ng tagumpay na nakamit ng Broken Blooms, tila hindi rin nagpahuli ang Kapuso actor na si Jeric Gonzales na napanood bilang isa sa lead stars sa naturang pelikula.

Sa Tagore International Film Festival na ginanap sa India, nakatanggap si Jeric ng pagkilala bilang 'Best Actor' (Outstanding Achievement Award) para sa kahanga-hangang pagganap niya sa pelikula.

Ang Broken Blooms ay nabuo sa ilalim ng direksyon ni Louie Ignacio.

Napanood dito si Jeric bilang si Jeremy, ang asawa ni Cynthia, ang karakter na ginampanan naman ng award-winning Kapuso actress na si Therese Malvar.

Matatandaang nakuha ni Jeric ang kanyang unang international acting award sa Harlem International Film Festival, kung saan itinanghal siya bilang 'Best Actor' para sa naturang pelikula.

Kasunod nito, natanggap naman niya ang parangal na Critics Choice for Best Actor in an Indie sa Mokkho International Film Festival na ginanap din sa India.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Jeric ang kaniyang nararamdaman tungkol sa sunud-sunod na tagumpay na kaniyang nakamit bilang isang aktor.

Pagbabahagi niya, "Start-Up, 'yun pa lang ang laki na talagang opportunity to be with Alden [Richards] and Bea [Alonzo]. 'Yung project, sobrang laki. Ito na namang achievement na 'to [para sa Broken Blooms], na-recognize kami rito. So, I'm beyond grateful talaga.”

Malapit nang mapanood si Jeric bilang si Davidson "Dave" Navarro (Nam Do-san) sa nalalapit na pagpapalabas ng Start-Up Ph sa GMA Telebabad.

Samantala, silipin ang hottest photos ni Jeric Gonzales sa gallery na ito: