
Sa ika-sampung linggo ng I Hear Your Voice, mahuhulog si Hayley sa bitag ni Matias Min, at si Zach ay hihingi ng tulong mula kay Robert para iligtas silang dalawa.
Ngayong tapos na ang pagdinig ng kaniyang kaso ay nagkaroon na ng pagkakataon si Damian Wang na pag-isipan ang kaniyang buhay. Kahit merong galit para kay Judge Seo dahil sa pagtago nito ng kasinungalingan ng asawa ni Damian, pinakawalan na ni Damian ang galit sa kaniyang puso. Sinabi rin nito na ayaw na niyang magtanim ng galit dahil maikli na lang ang buhay niya, na siya namang sumalamin sa sinabi ng nanay ni Hayley sa kaniya bago ito pumanaw.
Pagkatapos ng kaso ay hinarap na ni Doreen ang kaniyang tunay na ama na si Damian Wang. Nangako din ito na susubukang dalasan ang pagpunta kay Damian at i-drawing ito. Naging emosyonal ang reunion ng dalawa dahil ito ang unang pagkakataon na tinawag na papa ni Doreen si Damian.
Habang wala pang kasong inaasikaso ay nasa mall sila Hayley at Zach. Merong natipuhang kwintas si Hayley, ngunit hindi pasok sa kaniyang budget kaya hindi na lang niya binili. Pero dahil nababasa ni Zach ang isip niya, gumawa ng paraan ang binata upang mabili ang kwintas para kay Hayley.
Habang naghahanap ng gamit sa aparador ni Robert, merong nakitang mga nakatagong sulat si Hayley na naka-address sa kanya. Dahil dito, kinompronta ni Hayley si Robert tungkol sa mga news clippings ng reporter na si John Paul Park at isang bata at lola na may Alzheimer's. Bagamat ayaw sabihin ni Robert sa simula ang katotohanan tungkol sa mga sulat, umamin din ito na si John Paul Park ang ama ni Zach habang ang lola at bata ay nanay ni Matias Min at anak niya. Ang mga sulat ay pinadala mismo ni Matias Min kay Hayley.
Habang hinihintay ang tawag ni Zach, hindi inaasahan ni Hayley na si Matias ang tatawag sa kaniya, gamit ang telepono ng binata. Ayon sa kriminal, kasama niya si Zach, na siya namang ikinabahala ni Hayley. Agad namang pinuntahan ni Hayley si Matias dahil sa pangamba para sa buhay ni Zach. Ang masaklap ay hindi talaga hawak ni Matias si Zach.
Hindi alam ni Zach na tumungo si Hayley kay Matias, habang si Hayley naman ay walang ideya na hindi naman hawak ni Matias ang binata. Habang hinahanap kung nasaan si Hayley ay nagsimula na ring mangamba si Zach. Sa kasamaang palad, nahulog si Hayley sa bitag ni Matias.
Ngayong hawak na siya ni Matias ay nagkaroon na nang pagkakataon ang dalawa na mag-usap. Inilahad ni Matias ang kaniyang plano kay Hayley - ang itulak si Zach na gumawa ng isang krimen tulad niya. Patuloy na iginigiit ni Matias na ang ama ni Zach ang nagsimula ng lahat ng gulo at matutulak niya ang binata na gumawa ng kasamaan, ngunit pinanindigan ni Hayley ang kaniyang paniniwala sa kabutihan ni Zach.
Nagtungo na rin si Zach sa lungga ni Matias pagkatapos nitong sabihin sa kaniya ang plano nitong patayin si Hayley. Bago umakyat sa kinaroroonan ni Matias ay tinawagan ni Zach si Robert upang pakiusapan si Robert na iligtas silang dalawa ni Hayley.
Patuloy na subaybayan ang I Hear Your Voice, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.