Showbiz News

Malalaking pangalan sa showbiz dapat abangan sa 'Magkano Ba Ang Pag-ibig?'


Malapit ng mapapanood sa GMA Afternoon Prime ang isa na namang obra sa telebisyon, ang Magkano Ba Ang Pag-ibig? Isa itong “traditional family drama” kung saan iikot ang kwento sa mga pinagtagni-tagning love story at family conflicts.

Pangungunahan ni Heart Evangelista ang all-star cast. Gaganap siya bilang si Eloisa, isang ulirang anak ngunit susubukin ang kanyang prinsipyo para sa ikabubuti ng pamilya.

Makakatambal muli ni Heart sa isang teleserye si Sid Lucero na gaganap bilang si Lucio. Mamahalin ni Lucio si Eloisa ngunit may hahadlang sa kanilang pagmamahalan.

Tampok rin ang primera kontrabida ng telebisyon na si Celia Rodriguez bilang si Mrs. Hilaria Villasanta. S’ya ang “bibili” sa puso ng isa sa mga karakter ng kwento. Kung sino at bakit – ‘yan ang dapat nating tunghayan.

Patuloy naman ang pagtahak ni Dominic Roco sa serious drama acting sa pagganap niya bilang Jay Villasanta, isa sa mga anak ni Hilaria Villasanta.

Sina Ana Capri, Alessandra de Rossi at Katrina Halili naman ang gaganap bilang tatlong mga manugang ni Hilaria Villasanta. Binili ba ang kanilang puso at pagmamahal? Ano kaya ang naging kapalit?

Tampok rin sa teleserye si Isabel Oli na muling gaganap bilang isang kontrabida.

Ilan lamang sila sa mga bituin na sasailalim sa mahusay na direksyon ni Direk Mario J. delos Reyes. Marami na ring idinirek na programa si Direk Mario J. sa GMA kagaya ng Pahiram ng Sandali, Biritera at Munting Heredera. Original concept din ni Direk Mario J. ang Magkano Ba Ang Pag-ibig? kaya naman inaasahang isang kakaiba at ka-antig-antig na kwento ang susubaybayan ng mga manonood tuwing hapon.

Patuloy na subaybayan ang Afternoon Prime araw-araw at ‘wag palalampasin ang Magkano Ba Ang Pag-ibig? malapit na sa GMA. – Text by CJ Mendoza, GMANetwork.com