Showbiz News

Carla Abellana, nagsalita na tungkol sa estado nila ni Tom Rodriguez

By Jansen Ramos

Matapos ang ilang buwang ispekulasyon, binasag na ni Carla Abellana ang katahimikan para ibahagi ang kanyang mga saloobin tungkol sa estado nila ng asawang si Tom Rodrigiuez.

Sa June 3, 2022 YouTube vlog ni Carla tungkol sa bago niyang endorsement, sinagot niya ang komento ng netizens na tila pumupuna sa pag-react niya sa mga negatibong komento tungkol sa mister at paghingi raw ng tulong ni Carla sa social media. Sa pagbisita namin sa YouTube channel ni Carla, naka-disable na ang comments section ng aktres.

Sa reply ni Carla sa isang comment, sinabi niyang ang taong lubos na nasaktan ay mahirap hindi ilabas ang galit. Sabi pa niya, binastos, pinagtaksilan, pinagsinungalingan, ginamit, pinahiya, at pinagmukhang tanga raw siya.

Kung hanggang doon lang daw sana ay makakabangon siya balang araw, pero para raw gawan pa siya at ang kanyang pamilya ng kasamaan at kataksilan, sobra-sobra na raw na sakit ang pagdurog sa kanyang puso at pagkatao.

Wala rin daw siyang ginawang masama kay Tom kundi tunay na pagmamahal, respeto, pag-aalaga, pagtitiis, pagpapatawad, pasensya, pagtitiwala, pag-aasikaso, at pagprotekta lang.

Pitong taon daw siyang bawal magalit, magtampo, masaktan, mabigo, malungkot, madismaya dahil makakatikim daw siya kahit subukan niyang magpaliwanag sa mister na nasasaktan siya nito at hindi tama ang mga ginagawa nito sa kanya.

Pitong taon daw inipon ni Carla ang lahat ng iyan dahil gustuhin man niyang ilabas ay natatakot siya.

Hindi binanggit ni Carla ang totoong lagay ni Tom pero sinabi niyang ilang beses niya itong hinikayat na magpatingin, magpagamot, at magpagaling.

Kung ano raw ang nakikita at naririnig, at nababasa online ay kakarampot lang ng mga bagay na nangyayari kapag wala na sila sa harap ng kamera.

Panghuli, iginiit ng aktres na hindi siya masamang tao.

Ayon sa report ni 'Chika Minute' correspondent Aubrey Carampel sa 24 Oras ngayong June 16, sinubukan nilang kunin ang panig ng kampo ni Tom pero "no comment" ang sagot ng kanyang abogado.

Hindi pa malinaw ang estado ng relasyon ng Kapuso couple pero ilang buwan nang usap-usapan ang mga post nila na patama umano sa isa't isa.

January 2022, tatlong buwan matapos ang kanilang kasal, unang umingay ang usap-usapang hiwalay na ang dalawa matapos silang magpost ng cryptic messages sa kani-kanilang social media accounts. Kaugnay nito, in-unfollow ni Tom si Carla sa Instagram, bagay na lalong nagpaugong sa isyu.

Unang nagkatrabaho sina Carla at Tom sa set ng 2013 Kapuso primetime series na My Husband's Lover. Naging opisyal silang magkasintahan nang muli silang nagkasama sa 2014 GMA Telebabad series na My Destiny, kung saan lubos nilang nakilala ang isa't isa.

Balikan ang kanilang love story na tila nauwi sa isang mapait na pagsasama sa gallery na ito: